Selosong mister pinatay sa sakal ang asawa

SELOS ang dahilan kaya sinakal hanggang sa mapatay ng isang selosong mister ang kanyang magandang asawa bago nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanilang silid kaninang umaga sa Las Piñas City.

Nakabitin pa sa likod ng pintuan ng silid si Noel Malihan, 24, nang madatnan ng kanyang inang si Wilma Malihan, 47, alas-9:15 ng umaga, gamit ang kanyang sinturon kaya kaagad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang madala sa pagamutan ang anak.

Inakala naman ni Wilma na natutulog lamang ang kanyang manugang na si Arlene, 22, katabi ang apat na taong gulang na anak na babae kaya hindi na niya ginising nang dalhin sa Las Piñas Doctors Hospital si Noel na hanggang sa kasalukuyan ay nasa kritikal pa ring kalagayan.

Nang bumalik sa kanilang tirahan sa Lima St., Brgy CAA si Wilma, muli niyang pinuntahan sa silid ang manugang at dito na niya natuklasan na patay na ang babae habang mahimbing pa ring natutulog sa tabi ang kanyang apo.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Ariel Gupana ng Criminal Investigation Unit ng Las Piñas police, madalas umanong magkaroon ng pag-aaway ang mag-asawa dahil sa pagiging seloso ng mister.

Ilang ulit na ring naghain ng reklamo sa barangay si Arlene dahil sa pananakit sa kanya ng mister sa tuwing magkakaroon ng pagtatalo.

Malaki ang hinala ng pulisya na pinatay sa sakal ng lalaki ang kanyang asawa habang natutulog bago nagpasyang magbigti subalit hindi pa man tuluyang nalalagutan ng hininga ay naisugod na ng kanyang ina sa pagamutan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply