Senador manunumpang hukom sa impeachment court

MANUNUMPA ngayon ang mga senador bilang mga hukom na didinig sa impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Kaugnay nito matapos ang gagawing oath-taking, ipasu-summon ng Senado si Corona upang direktang sagutin ang article of impeachment laban sa kanya.

Ayon kay Atty. Valentina Cruz, ang tagapagsalita ng impeachment court, bibigyan umano ng 10 calendar days ang punong mahistrado para maghain ng kaniyang tugon sa mga reklamo at limang araw naman para sa prosecution panel para sagutin ang depensa ni Corona.

Una na ring inihayag na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Enero 16, 2012 ay sisimulan na ng Senado ang impeachment proceedings na itinakda ng alas-2:00 ng hapon.

Inaasahan din umano na sa nabanggit na petsa ay ipipresenta na ng Kamara ang mga miyembro ng prosecution panel nito.

Kahapon (Disyembre 13) kinilala na ng Mababang Kapulungan ang prosecution panel na bubuuin nina Iloilo Rep. Neil Tupas, Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, Quezon Rep. Erin Tañada III, Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, Isabela Rep. Giorgidi Agabao, Marikina Rep. Romero Quimbo, Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Akbayan Rep. Kaka Bag-ao at Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Pinagpipilian din umano sina Cavie Rep. Joseph Abaya, Northern Samar Rep. Raul Daza at Cibac Rep. Sherwin Tugna.

Samantala, ayaw ng makialam ng Senado sa isyu ng umano’y pagri-rail road ng Kamara sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Paliwanag ni Sen. Francis Escudero, solong kapangyarihan umano ng Mababang Kapulungan ang pagsasampa ng impeachment at wala umanong karapatan ang mga senador na kuwestiyunin ang paraan ng pagpasa nito.

Una rito, tiniyak na rin ni Senate President Juan Ponce Enrile na magiging patas ang mga senator-judges sa paghawak sa kaso ni Corona.

Sakaling matuloy, ito ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas na haharap sa impeachment proceedings ang isang Chief Justice.

Maalala na naharap din noon sa impeachment si dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide, Jr. subalit hindi nakarating sa Senado ang articles of impeachment laban sa kaniya.

Sa huli, ibinasura rin ng Korte Suprema ang kaso laban kay Davide dahil nilabag umano nito ang “one-year ban” rule sa paghahain ng impeachment case. Johnny F. Arasga

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply