Simbahan handang maging mediator sa hidwaan ng ehekutibo at hudikatura

PAYAG ang mga obispo ng Simbahang Katolika na maging “mediator” o tagapamagitan sila upang magkasundo ang mga opisyal ng ehekutibo at hudikatura.

Ito ay kasunod nang tahasang pambabatikos ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III kay Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona sa National Justice Summit sa Manila Hotel kahapon (Lunes, Disyembre 5) na pareho nilang dinaluhan.

Ayon kay Marbel South Cotabato Bishop Dinualdo Gutierrez, vice chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), handa silang gumawa ng hakbang upang magkausap sina Pangulong Aquino at Corona upang tuluyang maayos ang hidwaan sa pagitan ng dalawang mataas na sangay ng pamahalaan.

Sinabi ni Gutierrez na walang “political motive” o interes ang Simbahang Katolika kung kaya’t makatitiyak aniya ang publiko na sinsero silang maging mediator ng ehekutibo at hudikatura.

Nauna rito, iminungkahi ni Senate President Juan Ponce Enrile na mamagitan ang simbahan sa bangayan ng dalawang sangay ng pamahalaan upang magkasunod na ang mga ito alang-alang sa kapakanan ng mga tao lalo pa’t nalalapit na ang kapaskuhan na aniya’y sumisimbolo sa kapayapaan, pagkakasundo at pagmamahalan.

Pinaburan rin naman ito ng iba pang obispo ng Simbahang Katolika, at ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, may kakayahan ang mga Obispo na na gawin ito, partikular na sina incoming Manila Archbishop Luis Tagle at Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Vidal, na kilalang mga respetong alagad ng simbahan.

Gayunman, ang CBCP president na si Cebu Archbishop Jose Palma na umano ang dapat na tumukoy kung sino ang dapat na magpasilidad sa dayalogo dahil kailangang malapit din ito sa Pangulo.

Ganito rin naman ang pananaw ni CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs chairman at Caloocan Bishop Deogracias Iniguez.

Payo ni Iniguez sa dalawang pinakamataas na lider ng bansa, tingnan at isaalang-alang ang boses o feedback ng mga mamamayan sa resulta ng kanilang bangayan at maging bukas at sensitibo sila sa damdamin ng mga tao.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply