Sina GMA at Abalos lang ba?

SA nakaraang ilang linggo, mainit na balita ang tungkol sa kasong isinampa kina ex-Pres. Gloria Arroyo at ex-Comelec chair Benjamin Abalos.

Election sabotage ang ikinaso sa dalawang dating sikat, maiimpluwensya at makapangyarihang government officials na ito.

Si Gng. Arroyo ay nakapiit ngayon sa tinatawag na presidential suite sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.

Bagama’t inayos, ang kuwarto ay ang pinagkulongan din noon kay dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa kasong plunder.

Samantala, dinala at ikinulong ng awtoridad si Abalos sa isa ring kuwarto sa Southern Police District (SPD) sa Taguig City.

Ngunit kahit sila’y nakakulong, hindi ibig sabihin ay ‘guilty’ na sina CGMA at Abalos sa mabigat na kasong election sabotage.

Kailangang patunayan ng gobyerno na nagsampa ng kaso na sila’y talagang nagkasala sa bintang na dayaan noong 2007 election.

Sinasabi ng mga testigo na  nandaya raw si CGMA kaya siya nanalo laban sa mahigpit niyang naging kalaban na si namayapang Fernando Poe, Jr.

Ilang senador ang sinasabing dinaya rin sa pamamagitan ng mga taong ‘inutusan’ daw noon para dayain ang resulta ng halalan pabor sa noon ay mga kaalyadong mambabatas at naka-tiket kay Gng. Arroyo.

At isa nga sa kanila na umano’y nautusan at nagmaniobra sa election result ay ang noo’y chairman ng Comelec na si Abalos.

Pero matatandaan na sa isinagawang Senate at House inquiries, maraming personalidad ang idinawit ng mga testigo sa sinasabing dayaan sa halalan.

At ang ilan sa mga ito ay mga maiimpluwensyang military generals noong panahon ni dating Pangulong Arroyo.

‘Di lang mga heneral, kundi ilan pang mga nakaupo noon at makapangyarihang local government officials sa Mindanao.

Ang dating Maguindanao governor na noon ay kaalyado at sanggang-dikit ni Aling Gloria  ay sinasabi ring may kinalaman sa dayaan. ‘Yun bang suspek sa malagim na Maguindanao massacre.

‘Ika nga eh, gumulong na ang imbestigasyon para panagutin ang mga gumawa ng katarantaduhan noong May 2007 election.

Pero sa ganang atin, paano makakamit ang tunay na hustisya kung ang lahat ng mga nan-daya ay ‘di naman maparurusahan?

Napakaraming sinasabing nandaya, pero bakit sina CGMA at Abalos lamang ang tila idiniriin?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply