Sina Piolo Pascual at Carlos Agassi na ngayon!

YAN ang pinagtsitsismisan ngayon ng mga tsismoso at tsismosa sa kung saan-saan habang naghihintay sila ng pamasko.

Kasi ba naman ay may isang entertainment website na naglabas nung December 17 ng litrato nila na magkasama sa gym sa bahay daw mismo ng magulang ni Carlos sa Makati. Pareho silang nakahubad nang pantaas. Ayon sa Todo Entertainment website, kuha raw yon nung napaaga ng dating si Piolo nung December 11 sa bahay na pagdarausan ng birthday party ni Carlos, kung saan may mine-maintain ang aktor na gym, kaya nagpasya silang mag-gym na lang muna. Dahil ang pinakamadaling paraan na makapag-gym sila ay ang maghubad nang shirt nila, naghubad ang dalawang aktor at nagbuhat ng weights sa gym.

Ang editor-in-chief ng website mismo na si Edgar Cruz ang sumulat ng maikling text tungkol sa gym work out na yon. Walang paliwanag sa website kung paano siya nagkaroon ng kopya ng mga litrato nung dalawa. Hindi stolen shots ang mga litrato sa websites kundi posed shots.

Walang credit na nilagay kung sino ang may kuha ng litrato.

Nilinaw naman ni Edgar na rati ng malapit na makaibigan yung dalawang aktor dahil dati silang magkasama sa Hunks na sumikat sa ASAP ng ABS-CBN noon. Of course, dating Star Magic talent si Carlos, at maaaring hanggang ngayon ay may koneksyon pa rin siya ru’n kaya paminsan-minsan ay naka-cast pa rin siya sa mga pelikula ng Star Cinema at sa mga teleserye ng ABS-CBN.

Actually, sa readers’ comment sa ilalim ng maikling text mahihinuha na ang feeling na long lost lovers yung dalawa. Alam naman natin na may feeling ang publiko na kaya tuluyan nang nakipag-break si KC Concepcion kay Piolo ay dahil na-realize na n’yang bading ito. Marami ang nagsususpetsa na yon ang ibig sabihin ni KC sa pahayag n’ya na kaya siya kumalas na sa aktor ay dahil “Wala sa akin ang hinahanap n’ya. Hindi ako ang kailangan n’ya.”

Sa kabilang banda, si Carlos man ay matagal na ring pinagdududahan ang sexual preference. Kung ang ikinakatwiran ni Piolo ay hindi siya bading dahil may anak siya, si Carlos naman ay nagdadahilang may girlfriend siya for many years now. Pero alam n’yo bang sa Ecoville sa Makati, kung saan may bachelor’s pad si Carlo, itsinitsismis siya ng mga kapitbahay n’ya na may ka-live in siyang bodybuilder rin na gaya n’ya. Actually, sa sosyal na subdivision na yon, marami talagang nakatirang macho gays (mga bading na di kilos bading at napakagaganda ng katawan), kabilang na ang ilang foreigners na naninirahan du’n.

o0o

TALAGANG ginawa na ni Gina Lopez na pangunahing advocacy n’ya sa ngayon na mapatigil ang pagmimina sa Palawan. Parang di siya titigil sa kampanya n’yang ito hangga’t di kumikilos ang pamahalaan at ang political leaders natìn na maglabas na ng kautusan na ipasara na ang mga minahan du’n at huwag nang magbukas ng bago kahit kailan.

Sa ngalan ng ABS-CBN Foundation, kung saan siya ang managing director, naglalabas siya ng advertisement kung kinakailangan para sagutin ang mga anunsyo naman ng mining companies na umuunlad at gumiginhawa ang pamumuhay sa mga komunidad sa paligid ng mga minahan. Of course, ang katotohanan ay nilalason ng mga minahan ang kapaligiran: Ang mga ilog, lupain, puno, hayop, and, in effect, pati na ang mga taong nani nirahan sa tabi ng mga minahan. Madalas ding magka-landslide sa mga barangay  na nasa paligid ng mga minahan.

Hindi pa yata binabaha ang Palawan na gaya ng pagbaha sa mga lugar na gaya ng Cagayan de Oro na nasa paanan ng mga bulubundukin. Sa illegal logging sa mga bulubundukin ng Misamis Oriental isinisisi ang pagbaha sa siyudad ng Cagayan de Oro dahil sa bagyong si Sendong.

Itinigil na ba ang lahat ng klase ng logging du’n, pati na yung ligal? Ititigil na ba ngayong nakatikim ng nakaririmarim na pagkasalanta ang pangunahing siyudad sa bahagi ng Mindanao na yon?

Pero ano ba ang pakialam ng mg pulitiko at mga opisyal ng pamahalaan sa mga pagbaha at pagguho na dulot ng mga bagyo eh hindi naman sa mga lugar na yon sila talaga naninirahan at wala naman du’n ang pamilya nila at ang mga kerida nila? Ano bang pakialam nila na nawawasak pati ang mga eskwelahan sa mga binabahang lugar eh hindi naman du’n nag-aaral ang mga anak o apo nila?

Pero siyempre pa, ngayong parang sementeryo na ang ilang bahagi ng Cagayan de Oro, pumapapel ang lahat na alarmed at nagmamalasakit.

Lahat ng angkan at pamilyang lihim na yumaman sa illegal logging ay nagpapanggap na natataranta sa pagtulong sa mga nasalanta. Kunwa’y habag na habag sila?

Pag natuyo na ang tubig, pag nailibing na ang mga yumao, may batas kayang mahigpit na ipatutupad para di na maulit ang delubyo sa Cagayan de Oro? May kumilos kaya pa- ra ni isang puno ay di na mabawas sa mga kagubatan ng ngayo’y binabaha ng Mindanao?

Mukhang hanggang walang delubyong dumadanak sa Palawan, patuloy na pagkakakitaan ng mga kapitalista, pulitiko, at opisyal ng pamahalaan ang pagmimina sa Palawan. Wala silang dahilan para ipatigil yon. Wala kasing malawakang drama du’n na may media coverage kaya’t pwede nilang papelan. Eh ano ba naman ang kwenta sa kanila ng mga batang nagkakasugat-sugat ang katawan dahil sa paliligo sa mga ilog na na-contaminate na ng mga waste product sa mga minahan? Kasing dramatiko ba yon ng panawagan ng media para may mag-donate ng mga kabaong? Makukunan ba yon ng litrato ng isang anak na karga ng isang nakatulalang ama?

Wala pang kahindik-hindik na dramang nagaganap kaya wala pang pumapansin sa mga pinsalang dulot ng pagmimina sa Palawan. Si Gina Lopez pa lang at ang mga kaanak n’yang kinakatigan ang advocacy n’ya na huwag lasunin ng mga minahan ang kagandahan ng Palawan.

Pag nabalitaan n’yong may napadpad sa lugar n’yo na mga taong nangangalap ng pirma ng pagtutol sa pagpapatuloy ng pagmimina sa Palawan, langkay-langkay kayong sumugod at pumirma sa kasulatan. Kailangan ang pirma n’yo para maiharap ni Ms. Lopez sa Malakanyang o sa Kongreso ang kasulatan ng pagtutol ng sambayanan sa pagmimina sa Palawan. Limang milyong pirma ang target ni Ms. Lopez na makuha.

Siguro naman, si Direk Nico Garcia na nagdirek ng Ploning na tungkol sa isang komunidad sa Palawan ay pumirma na. Siguro naman lahat ng na-involve na sa mga pelikulang may kinalaman sa kagandahan ng Palawan ay pumirma na sa kasulatan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply