Special treatment kay GMA di palulusutin ng Morong 43

HINDI palulusutin ng tinaguriang Morong 43 ang special treatment na ibinibigay ng gobyerno kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay NUPL secretary-general Atty. Edre Olalia, nakulong sila kahit walang kasalanan dahil sila ay ordinaryong mahihirap na mamamayan.

Naghimas umano sila ng malamig na rehas sa mga masisikip at hindi makataong kulungan, nagkasakit at halos muntik mamatay ngunit hindi sila nagreklamo.

Gayundin, napakarami umanong mga nakakulong sa mas mababang kasalanan ang naghihirap dahil sa pagiging mahirap nila kaya hindi dapat na magkaroon ng special treatment kay Ginang Arroyo dahil lamang sa dati siyang Pangulo ng bansa.

Ayon sa grupo, hindi makatarungan ang “house arrest” kay Ginang Arroyo dahil halatang halata ang double standard sa mayaman at mahirap.

Matatandaang nagsampa ng civil case ang Morong 43 laban kay dating pangulong Arroyo sa Quezon City Regional Trial Court kung saan pinagbabayad siya ng P15-million damage suit.

Ang Morong 43 ay ang mga community health workers na iligal na inaresto sa Morong, Rizal noong Pebrero 2010.

Inabuso umano sila, nakaranas ng torture at inakusahang mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Noong Hunyo 2011, hiniling ng nasabing mga health worker sa korte na mag-isyu ng writ of preliminary attachment upang ma-freeze ang P15 million halaga ng mga pag-aari ni Gng. Arroyo hanggang sa maresolba ang kaso.

Ibinasura ng korte ang provisional writ ngunit muli nila itong isinumite ngayon.

Ani Olalia, dapat managot si Gng. Arroyo at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang ginawa.

Anila, hindi makatatakas ang mga ito sa batas.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply