Tagaytay bagong impounding area ng MMDA

SA KABILA ng pagiging malayo sa Kalakhang Maynila, pinili ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sa Tagaytay City kumuha ng lupaing gagawing impounding area.

Sinabi ng isang opisyal ng MMDA-Public Affairs Service na handa na ang naturang lupain sa Tagaytay na may sukat na apat hanggang limang ektarya. Dito umano dadalhin ang mga bus na mai-impound.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nagdesisyon silang kumuha ng alternatibong impounding area dahil puno na ang kasalukuyang ginagamit nilang lugar sa Pasig City at Las Piñas City.

Hindi umano nito makakayanan ang inaasahang pagdami ng mai-impound nilang mga pampasaherong bus na lalabag sa suspensyon na ipinataw sa kanila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa partisipasyon sa transport strike noong 2010.

Dating nagsilbing alkalde ng Tagaytay City si Tolentino habang kasalukuyang alkalde naman ang kanyang kapatid na si Abraham Tolentino.

Ngunit sinabi naman ng opisyal ng MMDA-PAS na libre umano ang pagpapagamit ng naturang lupain sa Tagaytay ngunit hindi na nalinaw kung sino ang may-ari ng naturang lupain.

May layong 56 kilometro ang Tagaytay City sa Metro Manila at kailangan pang dumaan sa South Luzon Expressway at kailangang magbayad ng toll fee ang MMDA para sa mga ibibiyaheng pampasaherong bus dahil sa hindi ito libre hindi tulad ng mga opisyal na sasakyan ng pamahalaan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply