Tagle bilang Manila archbishop sa Lunes na

PORMAL nang mauupo sa puwesto bilang bagong arsobispo ng Archdiocese of Manila si Archbishop-elect Luis Antonio Tagle sa Lunes, Disyembre 12.

Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), maaaring mapanood nang live sa pamamagitan ng internet ang instalasyon o pormal na pag-upo ni Tagle sa puwesto, kapalit ni Gaudencio Cardinal Rosales.

Nabatid na ang live streaming ay para sa mga taong hindi personal na makakadalo sa makasaysayang okasyon, na idaraos sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.

Ito ay mapapanood sa website na www.tvmaria.net at www.quiapochurch.net.

Sisimulan ang instalasyon sa ika-32nd archbishop ng Manila  ng 9:00 ng umaga na inaasahang dadaluhan ng libong katao mula sa iba’t ibang sektor.

Bago ang instalasyon, magpapaalam muna kay Tagle ang mga lay faithful mula sa dating pinaglilingkurang diocese ng Imus sa pamamagitan nang pagsayaw ng “Caracol,” na tradisyunal na dance-procession sa Cavite, kasama ang estatwa ng Our Lady of the Pillar.

Inaasahang aabot sa 1,500 lay people ang lalahok sa Caracol dance kabilang na ang may 200 pari mula sa Imus diocese.

Magsisimula umano ang pagsasayaw ng 7:00 ng umaga mula sa San Agustin Church sa Intramuros, daraan sa Arzobispado de Manila na magsisilbing tahanan ng arsobispo, kung saan inaasahang sasamahan sila ni Tagle sa pagsasayaw, saka pa lamang tutuloy sa Manila Cathedral para sa instalasyon.

Si Tagle ay matatandaang hinirang ni Pope Benedict XVI bilang kapalit ng nagretirong na si Gaudencio Cardinal Rosales.

Siya rin ang tumatayong chairman ng Commission on Doctrine of the Faith ng CBCP.

Mismong si Tagle ang namili ng araw ng kanyang pag-upo sa puwesto na itinaon sa araw ng kapistahan ng Our Lady of Guadalupe, at mismong araw kung kailan naordinahan si Tagle bilang Obispo may 10 taon na ang nakararaan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply