Talamak na pasugalan sa Calabarzon tuloy-tuloy

ANO nga ba ang mayroon sa CALABARZON na wala ang ibang probinsiya sa buong Luzon, kabilang na ang Metro Manila,  gayong pare-pareho lang naman na mayroong mga pasugalan?

Ay naku, ibahin natin ang CALABARZON, dahil dito ay mayroon silang Sgt. Tabatsuy Debelin, na kayang magbigay ng basbas sa mga kapitalista ng mga illigal na pasugalan.

Sa nakarating na impormasyon sa Lily’s Files ay sinasabing para raw walang alam sa mga pinaggagawa nitong si Sgt. Tabatsuy itong si C/Supt. Gil Me-neses, ang Regional Director ng PRO 4-A o CALABARZON.

Ohhhhhhhhhhhhhhh, talaga lang ha?

May maniniwala kaya na walang alam dito ang magiting nating  Heneral ng CALABARZON?

O sadyang nagbubulag-bulagan lang ito sa katotohanan dahil malaki ang kanyang pakinabang dito.

Natatandaan ko, noong maupo bilang  PRO 4-A Regional Director itong si General Meneses, ay nagdeklara ito ng “all out war”  laban sa mga tinaguriang salot sa kanyang nasasakupan, ngunit makaraan lang ang  ilang  linggo ay biglang naglaho ang kampanya nitong all-out war at sa halip ay parang kabuteng nagsulputan ang mga untouchable player.

Sa madaling salita, kaya lang  nagdeklara ng all-out war itong si General Meneses ay para lang daw pampataas-presyo.

Naging malakas ang bulung-bulungan na tumaas na nga ang lingguhang intelihensiya sa CALABARZON lalo na nang pumasok sa eksena itong si Sgt. Tabatsuy Debelin na sinasabing siyang nagbale wala sa all-out war na idineklara ng Heneral.

Walanghiya , sa halip na matigil o dili kaya ay mabawasan man lang ang sugalan sa CALABARZON  ay  lalo pa itong  tumindi sa ngayon  dahil sa ibinibigay na proteksiyon nitong si Sgt. Tabatsuy Debelin  sa mga player dito.

Ayon sa mga  tauhan ng Heneral, wala raw itong alam sa mga pinaggagawa nitong si Sgt. Tabatsuy at sa katunayan ay hindi raw kilala ni General Meneses nang personal itong si Sgt. Tabatsuy Debelin.

Paano nakalalabas-masok  sa tanggapan ni General Mene-ses itong si Sgt. Tabatsuy kung hindi niya ito personal na kilala, gayong napakahirap pumasok sa kanyang tanggapan, maging ang mga taga-media  ay  salang-sala bago pa man makapasok sa loob ng opisina nitong si General Meneses. (ITUTULOY)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply