Testimonya ni Janelle sasagutin ni Ramona

INIHAHANDA na ng kampo ni Ramona “Mara” Bautista ang pagsusumite ng sagot sa mga akusasyon ni Janelle Manahan na sumasalungat sa mga naunang naging pahayag ng nauna kaugnay sa nangyaring pagpatay kay Ramgen Revilla.

Kabilang na rito ang inihayag ni Manahan na dumaranas ng matinding depresyon at schizophrenia o isang uri ng sakit na laging naghihinala ang ina ni Mara na si Genelyn Magsaysay at sila pa mismo ni Ramgen ang nagpapainom sa kanya ng gamot.

Sinabi ni Atty. Jeffrey Gepte, abogado ni Mara na ihahanda na nila ang katugunan sa naturang mga pahayag ni Manahan na kanilang isusumite sa tanggapan ni Parañaque Assistant City Prosecutor Leah Roma sa Disyembre 13, kung saan sasagutin nila ang akusasyon ni Manahan na wala man lamang ginawang aksiyon ang kanyang kliyente habang duguan siyang nakahandusay sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa pisngi.

Sa pahayag naman ni Manahan, naniniwala siya na napuwersang tumayo bilang ama at ina si Ramgen sa mga nakababatang kapatid dahil hindi na magampanan ng maayos ng kanilang ina ang tungkulin sanhi ng dinaranas na depresyon.

Sadya aniyang mahigpit sa pagdidisiplina si Ramgen at ito ang dahilan kung bakit nagtanim ng galit sa kanya ang mga kapatid, lalo na kapag nagagawa silang saktan sa oras na hindi magustuhan ng panganay na kapatid ang kanilang mga maling ginagawa.

Sinabi ni Atty. Luke Espiritu, isa sa mga abogado ni Manahan na posibleng hindi naging katanggap-tanggap sa mga kapatid ni Ramgen ang mahigpit nitong pagdidisiplina sa mga kapatid lalo na’t sa kultura ng Pilipino, ang pananakit ng ama ay natatanggap ng isang anak subalit hindi ang pananakit ng kapatid.

Kaugnay nito’y inaasahan naman ang pagsusumite ng kanyang affidavit ng isa pang suspek na si Ryan Pastera, alyas Bryan sa Huwebes, Disyembre 8 na inaasahang magiging susi upang lalo pang maging malinaw ang mga pangyayari kaugnay sa nangyaring krimen.

Nakakuha na ng kopya ng mga affidavit ng mga testigo ang abogado ni Pastera na si Atty. Melinda Salcedo kaya inihahanda na nila ang counter affidavit ng kanyang kliyente na isa sa itinuturing ding suspek sa pagpaslang kay Ramgen.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply