Toy safety sa Pasko, titiyakin ng FDA, DoH

TITIYAKIN ng Department of Health (DOH) at ng Food and Drugs Administration (FDA) na ligtas ang mga laruang ipinagbibili sa iba’t ibang establisimyento at karaniwang ipinanre-regalo sa mga paslit ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sinabi ng DOH na ngayong linggong ito ay sisimulan na ng FDA ang pagsasagawa ng inspeksiyon sa mga establisimyento na nagbebenta ng mga laruan.

Isang ‘onsite testing’ sa mga laruan na ipinagbibili sa iba’t ibang shopping malls at maging sa mga bangketa, ang isasagawa ng FDA inspectors gamit ang portable X-ray fluorescence analyzer upang kaagad matukoy ang presensiya ng toxic heavy metals sa mga laruan.

Nais matiyak ng DOH at FDA na ligtas ang mga laruan laban sa toxic heavy metals tulad ng lead (Pb), cadmium (Cd), chromium (Cr), mercury (Hg) at arsenic (As).

Iinspeksiyunin din ng FDA kung ang label ng mga produkto ay may karampatang warning o babala.

Unang susuyurin ng FDA ang mga establisimyento sa National Capital Region (NCR), at isusunod ang iba pang rehiyon sa bansa.

Tiniyak ng DOH at FDA na mahaharap sa kaukulang regulatory sanction ang manufacturer ng mga produkto na mapapatunayang hindi sumusunod sa ipinatutupad na safety standards ng pamahalaan.

Binalaan ng FDA ang mga tindero ng mga unregistered at adulterated toy products na sa ilalim ng RA 9711, ang maximum administrative penalty na ipinatutupad sa nagkasalang indibidwal ay multang P500,000 at pagkumpiska sa kanilang mga produkto.

Kung mahaharap naman sa karagdagang kasong kriminal, mahaharap din ang offender sa parusang pagkabilanggo ng hindi hihigit sa 10 taon.

Ang mga manufacturer, importer o distributor naman ng unregistered toy products ay mahaharap sa maximum fine na P5 milyon at pagkabilanggo ng hindi hihigit sa 10 taon.

Katuwang ng DOH at FDA sa naturang kampaniya ang Department of Trade and Industry, mga local government at iba pang enforcement agencies, gayundin ang advocacy group na EcoWaste Coalition.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply