Tuloy na!

LUMALABAS ang mga balita na tuloy na tuloy na raw ang laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather.

Pagkatapos ng kung ano-anong patutsada ni Floyd noon na ang duda ng marami ay dahil lang sa takot ito na harapin ang Pambansang Kamao, pumayag na raw ang tanyag na boksingero na harapin ang ating si Pacman.

Marami tuloy ang nagtatanong kung bakit napapayag na si Mayweather. May kinalaman kaya ito sa pagkapanalo (o pagkatalo raw) ni Manny kay Juan Manuel Marquez?

Nakita ba ni Mayweather na kaya niya si Manny o lumaki lang talaga ang tayaan sa pera dahil sa ugong at ingay na nagawa ng  kontrobersyal na laban ng dala-wang sikat na magkaribal sa mundo ng boksing – si Pacquiao at si Marquez.

Kung anoman ang dahilan, marami pa ring excited na matutuloy na ang sagupaang Mayweather at Pacquiao. Sana lang ay hindi totoo ang analysis ng iba na hindi na raw gutom sa panalo ang ating Pambansang Kamao kaya parang hindi na siya agresibo.

‘Yung ngang analysis ni Ronnie Nathanielz tungkol sa kung saan maaring nagkulang si Pacman sa huling laban nila ni Marquez ay mukhang ikinagalit daw ni Pacquiao.

Ang sabi raw ni Manny sa mga hindi kumbinsido sa pagka-panalo niya kay Marquez ay “hindi sila tunay na Filipino.”

Sa aking palagay ay may mga disenteng punto naman si Nathanielz na isang pinagpipitagan na sports analyst at maging ang marami nating mga kababayan na nagbigay ng opinyon tungkol sa laban na baka hindi nagustuhan ni Manny.

Kung ako si Pacman tatratuhin kong pagmamalasakit ng mga nag-mamahal sa kanya ang kahit parang batikos na tinanggap nya. Hindi na mababago ang pagmamahal ng Pinoy sa Pambansang Kamao kaya gusto natin lagi na manalo siya, lalo na kay Mayweather na kung ano-ano na ang nasabi laban kay Pacman.

Ang batikos at puna ay para lang mapuntuhan ang mga bagay na baka nga nakaliligtaan ng grupo ni Pacman o ipagwalang bahala na nila. Kahit ano pa ang usapan ngayon ay sigurado ako na excited na ang lahat sa bakbakang Floyd Mayweather at ang idolo nating lahat, Manny “Pacman” Pacquiao.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply