Tulungan hindi turuan

HABANG isinusulat ko ang piyesang ito ay hindi na kami magkandaugaga sa pag-aasikaso sa relief goods na hinahakot namin at ipinadadala sa ABS-CBN Foundation.

Nawala na sa isip namin ang iba pang mga bagay na parang importante noong nakaraang linggo.

Pero biglang parang isang singit na lamang sa kasaysayan ng bansang Pilipinas kung ikukumpara sa trahedya na idinulot ni Sendong.

Mas sariwa pa ngayon ulit ang iba pang mga trahedyang nagdala sa aming magkakasama sa ganitong sitwasyon noon tulad ng bagyong Ondoy na sumalanta sa Kalakhang Maynila may tatlong taon na ang nakararaan.

Naisip ko lamang na may column pa akong dapat isulat nang mapansin ko ang diyaryo na nakabalandra ang headline kung saan sinisisi pa ngayon ng pamahalaan ang mga Local Government Unit o LGU sa naganap na trahedya ng Sendong.

Sabi ng Bureau of Mines ay matagal na silang nagbabala sa mga nakatira sa bukana ng ilog sa Cagayan at Iligan river.

Laman ng kanilang babala ang posibilidad na maaari silang walisin ng baha sakaling may matinding bagyo ang dumating.

Nakababahala ang pagtuturo ng bintang na ito dahil parang sinasabi ng Bureau of Mines na mas importante pa ang pagmimina kaysa sa kapakanan ng mamamayan.

Na dapat ang tao ang sumunod sa patakaran ng mga minero at hindi ang mga minero ang susunod sa patakaran ng lokal na pamahalaan.

Hindi kaya dapat ay inaalagaan ng mga mining company ang kalikasan na kanilang ginagahasa para yumaman?

Ito’y upang hindi madamay ang taumbayan na nauna nang naninirahan at nabubuhay sa paligid ng kanilang operasyon bago pa sila dumating?

Napakasakit isipin na ang sangay ng pamahalaan na ang trabaho ay siguruhing maayos ang operasyon ng mining companies ang siya pa naninisi sa taumbayan. (Itutuloy)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply