Umento sa pensyon ng retired police malabo ngayong taon

IMPOSIBLENG matanggap ngayong taon ng mahigit 40,000 retiradong pulis ang umento sa kanilang pensyon.

Ito’y sa kabila na inaprubahan na ng Department of Budget and Management ang pagbibigay umento sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng dating Integrated National Police.

Ang katuwiran ni DBM Secretary Florencio B. Abad, hindi kaagad maipagkaloob ang hinihiling na dagdag pension dahil sa hindi malinaw na listahan ng mga retirado ng PNP para pagbasehan ng kanilang ilalabas na pondo. Kabilang dito ang bilang ng mga namatay na retirado na hindi na dapat nasa listahan.

“Before we could release the retirees’ increased pension under the second tranche, we first had to sift through existing data and establish the exact number of qualified pensioners, as well as the total amount of the pension requirement,” paliwanag ni Abad.

At para aniya ma-validate ang listahan, nakikipagtulungan na ang kanyang ahensya sa National Statistics Office (NSO) para matulungan silang i-validate at tukuyin kung lehitimo ang mga nasa listahan ng pensioners.

Sa ulat, tinatayang P1.13 bilyon ang inilaan ng pamahalaan sa umento sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng PNP at ng dating Integrated National Police.

Gagamitin naman ito para punan ang natitirang P471.01 milyon mula sa P12.95 bilyong budget ng PNP sa pension ngayong taon upang mabuo ang P1.59-bilyon na kakailanganin sa pagkakaloob ng dagdag na benepisyo.

Matatandaang, matagal nang hinihiling ng mga retiradong pulis ang dagdag sa kanilang pension batay sa Salary Standardization Law III, batas na nagkakaloob ng dagdag na sahod sa mga kawani ng gobyerno, kabilang ang mga nagretiro na.

Binigyang diin din ni Abad na maaari rin maipagkaloob ang karagdagang P675.5 milyon para naman sa transferee- and survivorship-beneficiaries kapag natapos na sila sa pag-validate ng listahan ng mga retirado.

Samantala, irerekomenda naman ni Sec. Abad na gawin nang sapilitan ang paggamit ng Automated Teller Machines (ATMs) para sa pagkakaloob ng pension katulad ng ginagawa sa mga retiradong sundalo ng Armed Forces of the Philippines.

Sa ngayon, nakukuha ng mga retirado ang kanilang pension sa pamamagitan ng tseke.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply