Update: Biktima ng paputok 173 na– DOH

INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa mahigit 170 ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok, at maging ang mga tinamaan ng ligaw na bala at biktima ng fireworks ingestion o nakalunok ng paputok ay nadagdagan din.

Batay sa DOH surveillance update, mula Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 29, 2011 ay nakapagtala na sila ng 173 fireworks-related injuries (FRI).

Bagamat nadagdagan, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 28 kaso o 13.9% kumpara sa naitalang 201 kaso sa kahalintulad na petsa sa pagsalubong sa Taong 2011.

Nabatid na sa nasabing bilang, 163 o 94.2% ang sanhi nang paggamit ng paputok habang nadagdagan naman ng tig-isa ang mga tinamaan ng ligaw na bala, na mula sa dating pito ay naging walo o 4.6% na ngayon. Mula naman sa dating isa, ay naging dalawa (1.1%) na rin ang nakalunok ng paputok.

Karamihan sa mga nabiktima ng paputok ay nasa isa hanggang sampung taong gulang (52.8 %) at 136 sa mga gumamit ng paputok o 83.4% ay mga lalaki.

Ang 126 (77.7%) sa mga biktima ay nasugatan lamang, 11 (6.7%) ang naputulan ng bahagi ng katawan tulad ng daliri at kamay at 26 (16%) ang nagtamo ng pinsala sa mata.

Naitala naman ang pinakamaraming kaso sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 104 o 60.1%.

Samantala, maging ang mga biktima ng tinamaan ng ligaw na bala ay nadagdagan din ng isa at ang pinakahuling biktima nito ay isang 13-anyos na babae na mula sa Tondo, Maynila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply