UPDATE PAPUTOK: 13 katao, naputulan ng daliri, 27 napinsala sa mata

UMABOT na sa 13 katao ang naitala ng Department of Health (DOH) na naputulan ng daliri o kamay at 27 ang nagtamo ng pinsala sa mata dahil sa paggamit ng paputok, isang araw bago ang pagsalubong sa Taong 2012.

Batay sa Surveillance Update No. 9 ng DOH, nabatid na ang naturang bilang ay kasama sa kabuuang 197 kaso ng fireworks-related injuries (FRI) at biktima ng ligaw na bala na naitala simula Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 30.

Mas mababa pa rin naman ang nasabing kabuuang bilang ng 32 kaso o 14% kumpara sa 229 kaso na naitala noong pagsalubong sa Taong 2011 ngunit mas mataas ng siyam na kaso o 5% kumpara sa nakalipas na five-year average (2006-2010).

Kaugnay nito, nababahala ang DOH sa mabilis na pagtaas ng kaso ng mga nasusugatan sa paputok na inaasahang lalo pang darami hanggang ngayong New Year’s Eve.

Sa datos, 187 (95%) ang fireworks-related injuries o sanhi ng paputok, walo (4%) ang biktima ng stray bullet at dalawa (1%) ang biktima ng firecracker ingestion.

Pinakamarami pa ring kaso ang naitala sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 117 (59.3%).

Nabatid na karamihan sa mga nasugatan dahil sa paputok ay kabilang sa 1-10 years old na umabot na sa 99 kaso (53%) at 118 kaso (63%) ay aktibo o direktang gumamit ng paputok kaya nasugatan.

May 147 (79%) sa mga biktima ay nasugatan lamang, habang 13 kaso, na pawang mga lalaki, ang naputulan ng mga daliri o kamay.

Ang pinakahuling naitalang insidente ay isang 10-taong gulang na batang lalaki sa Nueva Ecija na sumabog ang kamay matapos pulutin ang isang whistle bomb na hindi agad sumabog.  Sa lakas ng pagsabog, tanging bahagi lamang umano ng hinliliit ang natira sa kamay ng biktima.

Umabot naman sa 27 (14%) ang nagtamo ng sugat o pinsala sa kanilang mga mata.

Pinakamarami pa ring nabiktima ang iligal na paputok na piccolo na umabot sa 135 (72%) at 17 (38%) ang nabiktima matapos magpaputok ng lasing.

Wala namang bagong kaso ng stray bullet at fireworks ingestion na naitala ang DOH.

Wala pa ring naitalang nasawi maliban na lamang sa batang namatay sa Norzagaray, Bulacan nang sumabog ang mga paputok na binili ng kanyang ama upang ipagbili sana sa Guimba, Nueva Ecija.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply