Wala pa ring ere si Nora Aunor

ANG tiyaga pa rin pala ng Superstar na si Nora Aunor. Nakatiyaga siyang maging hurado sa choir singing contest ng mga showbiz editor, columnist at reporter sa Christmas party ng TV5 para sa entertainment press nung Lunes ng gabi sa Silver City Mall sa Pasig.

Mabuti naman at limang grupo lang ang sumali. Pero matagal bago natapos ang pagkanta ng apat na yon dahil sinasalitan yon ng pagkanta ng isang guest children’s choir at ng cash raffle. Inabot yata ng tatlong oras yon– at ni minsan hindi man lang tumayo si Ate Guy sa kinauupuan n’ya sa harapan ng entablado para magsigarilyo. (Pero baka naman tumigil na siya sa paninigarilyo, dahil naging kontrobersyal ang litrato n’ya sa cover ng isang entertainment magazine kung saan may hawak siyang sigarilyo.)

Pero nakabibilib na di siya kinakitaan ng pagkainip. Parang nag-enjoy pa nga siya sa pagiging hurado.

Paminsan-minsan kinakausap n’ya ang dalawang batang aktor na kapwa n’ya hurado at nakaupo sa magkabila n’ya. Nung kumanta ang children’s choir ng Kumukuti-Kutitap, sinabayan pa n’ya ito ng pagpalakpak.

Sinasabing kahit Superstar na siya napakamahiyain n’ya. Totoo nga siguro. All throughout the hours na nakaupo siya sa harap para husgahan ang performances ng competing choirs, ni hindi siya lumingon para makanakaw ng atensyon. Hindi siya nagpaka-politician na lingun nang lingon para bumati kung kani-kanino.

Sina Victor Basa at Aaron Villena nga pala yung dalawang aktor na kasama ng Superstar na nag-judge sa contest. In fairness to them, behaved na behaved din sila sa tabi ng Superstar.

Ang nanalo nga pala ay ang grupong binubuo ng limang reporter na individually ay napakahuhusay ding kumanta: sina Leo Bukas, Ronnie Carrasco, Ervin Santiago, Ambet Nabus at Rey Pumaloy.

Talagang pinapahalagahan pa rin ng TV5 ang Superstar kahit na sinasabing di naman nag-rate nang husto ang mini-series n’yang “Sa Ngalan ng Ina” (dahil naman daw sa napaka-late night na pagpapalabas nito). Sa Christmas ID ng TV5 siya bale ang last frame bago si Sharon Cuneta na siyang kumanta para sa Christmas ID na yon. (Tiyak namang alam n’yo na na Kapatid na ngayon ang megastar.) Ini- announce rin nung gabing yon na may teleserye ang Superstar next year sa TV5.

Sina Paulo Bediones at Tessa Prieto Valdez nga pala ang nag-host ng Christmas party na yon. Si Tessa ay isang socialite at kabilang sa pamilyang may-ari ng isang sikat na sikat na broadsheet. At kaya siya ang pinag-co-host kay Paolo ay dahil silang dalawa rin ang magkatambal sa Extreme Home Make Over na sa Marso pa ipalalabas (pero matagal na silang nagti-taping). Napakahirap daw kasing gawin ng show kaya di natuloy ang balak ng TV 5 na nitong 2011 yon ipalabas. The show, na franchised from a broad, involves demolishing a house and re-constructing it in one week. Kung gusto n’yong mapanood ang original ng show, tune in to The Lifestyle Channel sa cable na ang nag-o-operate sa Pilipinas ay ang ABS-CBN 2.

* * * *

DISYEMBRE na nga, nagsisimula nang unti-unting magbalik-tanaw ang mga showbiz reporter sa pinakamaingay at pinaka-shocking na events and personalities nitong magtatapos ng taon — or at least hanggang first week of December.

Siyempre pa, ang pinakamadaling balikan ay ang last two quarters of the year. At nitong mga unang araw ng Disyembre, ang pinakamatindi ay ang pagkalat ng video blog ni Mo Twister kung saan ipinahayag n’ya ang damdamin n’ya tungkol sa umano’y pagpapalaglag sa Singapore ni Rhian Ramos ng dapat sana’y magiging baby nila. Nung una ay sa mga kolum at tsikahan lang ng mga reporter uma-appear ang intrigang ibubulgar ni Mo na nagpa-abort umano ang ex-girlfriend n’yang si Rhian. Pero nung nagpaalam na siya bilang co-host ng Paparazzi, biglang itinanggi n’ya na si Rhian ang pinapasaringan n’ya sa mga tweet n’ya na babaeng nagpa-abort.

Nung Nobyembre, ang mga pinakamaingay na balita ay ang pagkakapatay kay Ram Revilla, pagbi-break nina KC Concepcion at Piolo Pascual, paglipat ng Megastar Sharon Cuneta sa TV5.

Sa mga nagdaang buwan, siyempre pa ay kabilang sa pinagkaguluhan ay ang pagbabalik ni Nora mula sa Estados Unidos.

Kayo, ano ang itinuturing n’yong 10 pinakamaingay at pinakamatinding showbizries for 2011?

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply