Weder, weder lang ang buhay

SA telebisyon, radio at pahayagan, walang araw na hindi  tema ng balita si dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Kunsabagay, marami talaga ang balita ukol kay GMA dahil ito’y naging senador  ng labindalawang  taon.

Ibig sabihin, senadora ito ng 2 termino o 12 taon, ang bilang ng taon na nakalaan para sa isang Senate member, ayon sa batas.

Masuwerteng naging Pangalawang Pangulo pa si GMA, ngunit ‘di nito natapos ang anim na taon na tadhana ng batas.

Dahil, siya’y nahirang na Pangulo, kapalit ni noo’y Pres. Joseph Estrada na pinatalsik ng tinawag na ‘People Power ll’.

Sa maraming taon at mahabang panahon na may puwesto sa gobyerno, laman si GMA ng magaganda at pumapabor na balita.

Tulad din ni Erap noong siya’y alkalde ng San Juan, senador, bise presidente at Pangulo – ito’y poging-pogi sa mga balita.

Ngunit noong makulong dahil sa plunder at pang-aabuso raw sa kapangyarihan, naging kontrabida si Erap sa mata ng taumbayan.

Ang pagkakaiba na nga lang ng dalawa, si ex.Pres. Estrada ay nanggaling na sa ‘pagsubok’ na paroroonan pa lamang ni GMA.

Kung noon, puro papuri at positibo ang balita tungkol kay GMA, ngayo’y walang
magandang balita tungkol sa ex-president.

Ito’y dahil si GMA ay ‘di na Pangulo at wala na sa kapangyarihan. Kumbaga, wala nang sumusunod sa kanyang mga mando.

‘Di na niya kayang baluktutin ang batas, kaya wala siyang magawa sa kaawa-awa niyang anyo na nakikita sa telebisyon.

Wala nang epekto ang paawa-epek ng mga alipores niya, gamit ang halatang lutong propaganda para kaawaan ng sambayanan.

Ang mahalaga ngayon kina Mang Juan at Aling Maria ay makita ang dating Pangulo na pagsisihan ang mga nagawang kasalanan.

Oo nga’t tao lamang tayo na nakararamdam din ng awa sa ex-president dahil sa kanyang kasalukuyang sakit at karamdaman.

Ngunit ‘di dapat mangibabaw ang awa kapalit ng itinatadhana ng batas kung nais talaga nating makamit ang pinapangarap na bukas.

Ang masasabi lang natin, siguro talagang ganyan ang buhay, kung minsan ay nasa ibabaw at kung minsan naman ay sa ilalim.

‘Ika nga ng ABS-CBN broadcaster na si  Kuya Kim Atienza –  ang buhay ay weder-weder lang.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply