Zsa Zsa Padilla nabiktima ng akyat-bahay gang

NATANGAY ang may P2,600 cash at McApple Laptop ng mga miyembro ng “Akyat-Bahay Gang” ng singer-actress na si Esperanza “Zsa-Zsa” Padilla makaraang pasukin ang kanyang bahay kagabi sa tinutuluyang condominium sa Marina Bay Town East, Parañaque City.

Nadatnan pa ng kasambahay ni Zsa-Zsa, 47, na si Annabel Escorro ang nag-iisang suspek sa loob ng silid ng aktres na nasa ikalawang palapag ng Marina Bay Town East sa No. 10-Bohol St, Barangay Tambo habang naghahalughog alas-7:47 ng gabi subalit bago pa man siya makatakbo para humingi ng saklolo ay tinutukan na siya ng patalim ng salarin.

Hindi naman nasiraan ng loob si Escorro at nagsisigaw pa ring humingi ng tulong kaya napilitan ang suspek na tumakas palabas sa sliding door na salamin patungo sa beranda ng unit na tinutuluyan ng aktres, tangay ang nakuhang salapi at laptop.

Napag-alaman na wala sa naturang condominium ang mag-asawang Zsa-Zsa at Dolphy nang mangyari ang insidente.

Batay sa pagsisiyasat nina SPO2 Reynaldo Arojacio at PO2 Joel Romantico ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Parañaque police, posibleng dumaan sa beranda ng unit ng aktres ang suspek dahil walang palatandaan na puwersahan itong pumasok sa main door ng condominium.

Pinaiimbestigahan naman ni police chief Sr. Supt. Baldemor Beltran ang mga nakatalagang security guard sa naturang condominium upang alamin kung bakit nagawang makaakyat sa terrace ang suspek nang hindi namalayan ng mga guwardiya ng Marina Bay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply