‘Mall arrest’ sa puganteng Koreano binubusisi ng BI

IPINAG-UTOS na ni Commissioner Ricardo David ang pagbusisi sa napaulat na pagpayag umano ng mga guwardiya sa Bureau of Immigration (BI) detention facility sa Bicutan, Taguig City na payagan ang nakatakas na Korean national na makapunta sa mga shopping mall habang ito ay nakakulong sa nasabing bilangguan.

Ayon mga impormante mula sa tanggapan ni David, nagalit umano ang punong opisyal ng kawanihan nang malaman na nakakapasyal pa sa Market, Market sa Taguig City si Kim Tae Dong, 54, samantalang bantay-sarado ito sa mga tauhan ng immigration.

Inatasan din ni David si BI-Intelligence chief Maria Antoinette Bucasas-Mangrobang na ipatawag ang mga nakatalagang immigration jail guard upang hingan ng paliwanag kung bakit pinayagan umano si Kim na makalabas ng bilangguan nang walang pahintulot mula sa mga matataas na opisyal ng kawanihan.

Nalantad ang “mall arrest” kay Kim ng ibulgar ng pahayagang Remate ang paglabas-pasok nito sa immigration detention facility habang naghihintay ito ng summary deportation order mula sa board of commissioners upang maipatapon pabalik sa South Korea.

Sinabi naman ni Mangrobang na tukoy na ng mga  operatiba ang pinaglulunggaan ni Kim at hindi magtatagal ay masasakote na rin ang dayuhang pinaghahanap ng  batas sa bansang South Korea.

“May mga impormasyon kami hinggil sa kanyang konaroroonan at ito ay bineberipika na ng mga operatiba,” pahayag pa ni Mangrobang.

Sinuspinde na rin ni David ang dalawang guwardiyang nagbantay kay Kim sa St. Luke’s Hospital kasabay ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat sa Seoul, South Korea noong 2010. Umabot sa kabuuang US$8 million ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago ito sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSI) si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortgas Center, Pasig City. Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa mga operatiba ng kawanihan subalit mariin itong tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply