1 sa 3 OFW lang ang mabebenipisyuhan sa gumuhong gusali sa Lebanon

KINUMPIRMA ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimzon na isa lamang sa tatlong overseas Filipino worker (OFWs) na namatay sa pagguho ng gusali sa Beirut, Lebanon ang mapagkakalooban ng benepisyo dahil hindi miyembro at walang kaukulang dokumento ang dalawa pang biktima.

Ayon kay Dimzon, tanging si Juvilyn Numral Concon lamang ang dokumentado at miyembro ng kanilang ahensiya habang ang dalawa pang sina Mary Ann Davatos Ida at Lucy Bombales ay ilegal ang pagtungo at pagtatrabaho sa naturang bansa.

Tatanggap aniya si Concon ng kabuuang benepisyong P200,000 at karagdagan pang P20,000 para sa kanyang pagpapalibing.

Sa kabila naman ng kawalan ng kaukulang dokumento nina Ida at Bombales, tiniyak ni Dimzon na mamamahagi pa rin ang OWWA ang tulong para sa pagpapauwi sa bangkay ng dalawa sa Pilipinas.

Sinabi ni Dimzon na batay sa natanggap nilang ulat mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), dinala na ang bangkay ng tatlong Pinay sa morgue ng Rafik Hariri Hospital at isinasaayos na ang mga kaukulang papeles upang maibalik ang labi sa Pilipinas.

May hinala si Dimzon na posibleng nagpanggap munang turista sina Ida at Bombales nang magtungo sa Lebanon bago naghanap ng trabaho.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply