1 tigok, 1 kritikal sa rambulan

TODAS ang isang binatilyo habang kritikal ang kaibigan nito matapos na makasagupa ang kalabang grupo sa Navotas Lunes ng gabi (Enero 2).

Dead on arrival sa Tondo General Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan si Aljun Sambrano, 16, miyembro ng NH Gang ng Karpa St., Dagat-dagatan ng lungsod.

Inoobserbahan naman sa nasabing ospital sanhi ng tama ng bala sa leeg si Gelly Boy Santos, 16, ka-grupo at kalugar ng namatay.

Batay sa ulat, dakong alas-11:45 ng gabi, nakasagupa ng grupo ng mga biktima ang kalaban na grupo sa Dalagang Bukid, North Bay Boulevard South ng lungsod.

Sunod-sunod na putok ang narinig na naging dahilan upang magpulasan ang mga nagrarambulan at naiwang duguan nakabulagta ang mga biktima.

Dinala ang mga biktima sa TGH habang inaalam na ng mga pulis kung sino ang mga nakasagupa ng mga una.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply