18.46-M metrikong toneladang palay target sa 2012

TARGET na makuha ng Department of Agriculture (DA) ang produksyon ng palay na 18.46 milyong metrikong tonelada (MMT) para sa kasalukuyang taon, ito ay ayon mismo kay DA Secretary Alcala.

Sinabi ni Alcala sa ginanap na pulong-balitaan kaninang umaga na inaasahan nilang magkakaroon ng apat hanggang limang porsiyentong paglago sa ani ng palay ngayong taon sapagkat nasa tamang direksyon ang ikinasa ng naturang sektor.

Positibo rin ang pananaw ng kalihim na makakamit ang rice self-sufficiency o pagsasarili sa pag-supply ng bigas sa 2013 kung kailan naman inaasahan ang 20.04 MMT na produksyon.

Ayon pa sa kalihim, ilang sakahan din ang imumungkahi nilang mataniman ng mas maaga ng isang buwan sapagkat batay sa kanilang pag-aaral ay Oktubre dumarating ang malalakas na bagyo kaya dapat makapag-ani ng mas maaga sa nasabing buwan.

Sa pinakahuling tala ng DA sa produksyon ng palay noong 2011, nasa 16.68 MMT ang naani na mas mataas ng 5.8% kung ihahambing sa sinundan nitong taon ngunit mababa sa orihinal na target ng ahensiya na 17.3 MMT.

Isinisi ng ahensiya ang pagkabigong maabot ang nasabing target sa sunod-sunod na mapanirang bagyo na sumalanta noong nakaraang taon.

Umaasa rin si Alcala na hindi magkakaroon ng malawakang paggalaw sa presyo ng bigas o hindi ito magmamahal ng todo sa mga pamilihan ngayong taon.

Nakatakda namang mag-angkat ng 500,000 metrikong tonelada ng bigas ang gobyerno para sa taong 2012. Ang 250,000 MT ay idadaan sa mga pribadong importers habang ang natitirang kalahati ay sa mga organisadong farmers’ organization.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply