2 BI jail guard kinasuhan sa pagtakas ng puganteng Koreano

TSIBOG at alak ang nagsadlak sa dalawang immigration jail guard upang makasuhan ang mga ito ng pagkakanlong sa isang dayuhan na pinaghahanap ng batas sa bansang South Korea.

Ito ay matapos na hindi tinanggap ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang paliwanag ng dalawa sa ginawang pagtakas nang binabantayan nilang Korean national habang ang dayuhan ay nagpapagamot sa St. Luke’s Hospital sa Taguig City noong bisperas ng Pasko.

Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David Jr., hindi katanggap-tanggap ang dahilan nina Immigration jail guard Eduardo Dulay at Noel Acedillo kung papaano sila nasalisihan ni Kim Tae Dong, 54, na may kasong swindling sa South Korea habang ito ay nagpapagamot sa nasabing ospital sa sakit sa tiyan, hypertension at diabetes.

Sa kanilang paliwanag, sinabi nina Dulay at Acedillo na hinikayat sila ni Kim na kumain at uminom ng nakalalasing na alak, dahilan upang ang mga ito ay makatulog habang nagbabantay.

Gayunpaman, hindi ito tinanggap ni David at inatasan si immigration jail warden Protacio Arcilla na magsampa ng kasong “infidelity in the custody of prisoners” sa Taguig prosecutors’ office.

Sakaling mapatunayang nagkasala, bubuno sina Dulay at Acedillo ng anim na taong pagkakakulong.

Sinuspinde din ni David si Dulay habang sinibak naman bilang confidential agent si Acedillo.

Nagbuo na rin si David ng lima-kataong komite na bubusisi sa lahat ng anggulo hinggil sa pagkakapuga ni Kim at kung sinu-sino sa mga opisyal at empleyado ng kawanihan ang posibleng naging kasabwat nito.

Umugong sa kawanihan ang balitang nagkaroon umano ng bayaran kapalit sa pagpapatakas sa dayuhan.

Pangungunahan ni Associate Commissioner Siegfred Mison ang komite, kasama sina Atorni Liza Madera, Maricel Sulit, Mark Anthony Antonio at Intelligence Division assistant chief Jerome Gabionza.

Nagbabala rin si David sa lahat ng empleyado at opisyal na hindi ito mangingiming kasuhan ang sinuman na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkuling maglingkod ng tapat sa taumbayan.

Patuloy pa rin ang ginagawang paghahanap kay Kim ng mga operatiba ng kawanihan. Huli itong namataan sa Metro Manila dalawang araw matapos itong makapuga noong Disyembre 24, 2011.

Hawak na rin ng mga operatiba ng kawanihan ang isang hindi kinilalang kababayan ni Kim na siya umanong nagbayad sa St. Luke’s ng kabuuang P2.2 milyon kung saaan P1.7 milyon ay professional fee sa mga doktor at P.5M ay upa sa kuwarto.

Si Kim ay nahaharap sa kasong pandaraya, kasama na ang siyam na kakutsaba, sa larong baccarat o lucky nine sa Seoul, South Korea noong 2010. Umabot sa kabuuang US$8 milyon ang natangay ng mga akusado sa kapwa manlalaro ng baraha sa tatlong insidente noong Enero 3, Enero 23 at Disyembre 23, 2010 sa Walkerhill Hotel sa Seoul.

Matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Dongbi district court, tumakas sa South Korea ang dayuhan at nagtago ito sa Pilipinas noong Abril.

Nahuli ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSI) si Kim noong Hulyo 5, 2011 sa Ortgas Center, Pasig City. Sa nasabing operasyon, nag-alok din si Kim ng P200,000 sa mga operatiba ng kawanihan subalit mariin itong tinanggihan ni Uso Dan Salasim, ang dating hepe ng BI-FSU. Freddie Cortez

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply