3 arestado sa pekeng gold bars– NBI

NATIMBOG ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong lalaki dahil sa pamemeke ng gold bars  sa ikinasang operasyon sa Maynila.

Iniharap ngayon ng NBI sa media ang lider at financier ng grupo na si Isagani Camson, 43, nakatira sa AFP Officer Village, Fort Bonifacio,Taguig City, at dalawang kasama nito na sina Edilberto Cordeta, alyas Jose Canete, 54,  taga-Punta Baja, Rial, Palawan at nagsilbing back-up at look-out; at Alex Arca alyas Dodong, 42, nakatira sa Mabuhay, Gen. Santos City, South Cotabato at nagsilbing driver at switcher ng grupo.

Batay sa isinumiteng report kay Justice Secretary Leila de Lima ni Atty. Edmund Arugay, NBI deputy Director for Special Investigation Services, nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng NBI Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID) sa pangunguna ni Head Agent Jonathan Ross Galicia sa 5-star hotel na matatagpuan sa Adriatico St., Ermita Maynila noong Enero 6.

Kasama sa buy-bust operation ang undercover agent at Japanese national na umano’y nakumbinsi ng mga suspek na bumili ng gold bars na nagkakahalaga ng P5 milyon.

Nabatid na bumubili umano ng “gold dust” ang mga suspek sa isang jewelry store at ipinapahid ito sa pekeng bar upang mapaniwala ang mga biktima na totoong ginto ang ibinebenta.

Karaniwang binibiktima ng mga suspek ay mga foreigner at ginagawa ang kanilang transaksyon sa nasabing hotel.

Dinala umano ni Camson ang undercover agent sa isang kotse na nakaparada sa Adriatico St. at doon ipinakita at tinesting ang gold bar.

Nang hingin na ni Camson ang bayad ay agad nang nagbigay ng senyales ang NBI upang arestuhin ito.

Nadakip din ang dalawa pa nitong kasama na sina Cordeta at Arca.

Nakuha sa mga suspek ang ilang piraso ng pekeng gold bar at mga identification cards mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong Estafa sa ilalim ng Art. 315 ng Revised Penal Code, Usurpation of Authority of Official Function (Art.177 of RPC), paggamit ng Fictitious Name and Conceiling True Name (ART.178), sa Manila City Prosecurors Office.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply