3 kasong graft vs GMA nai-raffle na ng Sandigan

NAI-RAFFLE na ng Sandiganbayan ang tatlong kasong graft na isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa naka-hospital arrest na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ay kaugnay sa maanomalyang transaksyon sa pagitan ng Pilipinas at China o ang $329 milyong NBN-ZTE Broadband deal na una nang ibinunyag ni Rodolfo “Jun” Lozada.

Si presiding justice Francisco Villaruz ang nanguna sa pag-raffle ng kaso kung saan napunta sa Fourth Division sa sala ni Judge Gregory Ong.

Ayon kay Justice Ong, didinggin nila ang reklamo sa loob ng 10 araw para alamin kung may probable cause ito.

Ngunit kung wala aniya itong probable cause at mapapatunayang walang sapat na ebidensya ay kagyat niyang ibabasura subalit mag-iisyu naman ng warrant of arrest kung may makikitang probable cause.

Sinabi pa ni Ong na itatrato ng Sandiganbayan na ordinaryong kaso ang graft cases na isinampa kay GMA at tiniyak niyang walang magaganap na special treatment sa kaso kahit pa siya ay kabilang sa mga appointee ng dating pangulo.

Aniya, kanyang ibabase ang desisyon sa mga ebidensya at hindi sa pagtanaw ng utang na loob kay GMA na naglagay sa kanya sa pwesto.

Samantala,  kinumpirma rin ni Ong na iko-consolidate na lang ang tatlong magkakahiwalay na kaso ng graft laban kay GMA at mga kapwa akusado na sina dating First Gentleman Mike Arroyo, dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos Sr. at dating DOTC Secretary Leandro Mendoza.

Ang kaso ay una nang isinampa ng grupo ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino sa Ombudsman isang araw matapos ang siyam na taon ni Arroyo sa Malakanyang bilang presidente ng bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply