3 lugar sa Maynila target ng terorismo sa pista ng Quiapo

NANINDIGAN ang gobyerno na tama ang kanilang naging desisyon sa pagsasapubliko ng babala hinggil sa banta ng terorismo kasabay ng prusisyon ng Poong Nazareno.

Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, na tatlong lugar umano ang posibleng target ng mga terorista, ang Isetann shopping mall na nasa tabi mismo ng LRT-Carriedo station, 168 mall sa Divisoria at mismong Quiapo area kung saan tutungo ang milyon-milyong deboto.

Ayon sa Kalihim, may kredibilidad ang kanilang asset na nakakita mismo sa improvised explosive device (IED) na balak pasabugin.

Ang asset ding ito aniya ang nagbibigay sa kanila ng mga impormasyon ukol sa iba pang mga operasyon ng terorista.

Iginiit din ni Robredo, na wala silang balak manakot kundi nais lamang nila na mabigyan ng babala ang taumbayan at mahalaga ang kanilang sariling paghahanda.

Ipinaliwanag rin ni Robredo na kaya si Pangulong Benigno Aquino III ang humarap sa publiko, ito ay dahil seryoso ang banta at para tiyakin na rin ang puspusang paghahanda ng mga law enforcement agency.

Bagama’t tapos na ang ‘traslacion’ o paglilipat ng Poong Nazareno, magpapatuloy ang pagtugis ng mga operatiba sa anim hanggang siyam na teroristang galing Mindanao.

Samantala, ipinagtanggol din ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pansamantalang pagputol sa signal ng cellphone sa kanyang nasasakupan.

Bahagi aniya ito ng precautionary measures kung sakaling gamitin ng mga terorista na triggering device ang cellphone kung magtatanim ng bomba.

Kaninang umaga, maayos na natapos ang prusisyon at balik-Quiapo Church na ang Poong Nazareno.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply