5 Chinese na sabit sa shabu lab na-inquest na

SUMAILALIM na sa inquest proceeding ang limang Chinese nationals na naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang pagsalakay kahapon (Enero 6) sa isang eksklusibong subdivision na ginagamit bilang shabu laboratory sa Ayala –Alabang, Muntinlupa City.

Ayon kay C/Insp. Conrado Bunye ng Muntinlupa City Police, nahaharap sa kasong paglabag sa Section 8, Section 11 at Section 12 ng Republic Act 9165 sa Muntinlupa Prosecutors Office ang mga suspect na sina  Ken Ming Chao alyas Lam Tse Kin, 49; Choi Yiu Kit, 33; Choi Yiu Chun, 33; Kwok Chi Keung, 42; at Lam Ka Chun, 51.

Dagdag pa ni Bunye, hinihintay na lamang ang inisyal na report mula sa laboratory ng PDEA kung ano ang mga nasamsam na kagamitan at mga kemikal at halaga nito para magamit na ebidensiya laban sa mga suspect.

Matatandaang sinalakay ng mga tauhan ng PDEA ang inuupahan mansion ng mga suspect sa 504 Acacia St., Ayala, Alabang, Muntinlupa City kahapon ng umaga.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, ang bahay na inuupahan ng mga suspect ay pag-aari ng Fuerte Holding Incorporation na kung saan isang nagngangalang Gloria Cahulugan ang namamahala at nagpaupa sa mga suspect.

Nabatid na noong buwan pang buwan ng Setyembre nakaraang taon nangupahan ang mga suspect at itoy pumirma pa ng kontrata na anim na buwan lamang silang maninirahan sa nasabing mansion.

Kasalukuyang hindi pa mahagilap ng mga awtoridad si Cahulugan mula nang salakayin ang naturang lugar.

Ayon pa kay Bunye, hindi inaresto ang isang French-Israeli na inabutan sa bahay na tinakbuhan ng isa sa sa mga suspect dahil sa kawalan ng ebidensya na mag-uugnay sa limang Chinese nationals bagama’t nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) para maberipika ang status ng nasabing dayuhan. Jay Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply