5 patay, 128 ginagamot sa CDO dahil sa leptospirosis

LIMANG katao na ang iniulat na nasawi habang 128 pa ang ginagamot sa Cagayan de Oro City na hinihinalang dulot ng sakit na leptospirosis, sanhi upang magdeklara na ang Department of Health (DOH) ng outbreak ng sakit sa naturang lalawigan na isa sa mga pinakamatinding napinsala ng bagyong “Sendong” noong nakaraang buwan.

Ayon kay Director Jaime Bernadas ng Department of Health-Region 10, may 128 katao na kasalukuyang naka-confine sa mga pagamutan sa Northern Mindanao na nakitaan ng mga sintomas ng leptospirosis na nakukuha sa ihi ng daga na humalo sa baha.

Limang katao na rin umano ang naitala nilang nasawi at ang pinakahuling biktima ay namatay kahapon (Enero 2) lamang ng umaga.

Sinabi ni Bernadas na 80 porsiyento ng mga nagkakasakit ay mga lalaki, kabilang na ang mga nasawi, dahil kalimitan umanong mga lalaki ang lumulusong sa baha upang bisitahin ang kanilang mga binahang tahanan at maghanap ng mga gamit na maaari pang mapakinabangan mula sa baha.

Pinayuhan rin ng DOH ang mga taong nasa mga lugar pang may baha na umiwas sa paglusong sa baha o kung hindi talaga maiiwasan ay gumamit ng mga protection gear tulad ng bota.

Ang leptospirosis ay sakit na nakukuha mula sa baha na kontaminado ng “leptospira bacteria” na dala ng ihi ng daga at iba pang hayop.

Kalimitan umanong aabutin ng dalawa hanggang 26 na araw bago lumitaw ang sintomas nito tulad ng tuyong ubo, lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng muscle, pagsusuka, pagkahilo, diarrhea at pangingiki.

Ilan pa sa sintomas nito ay pananakit ng tiyan, abnormal na tunog ng baga, pananakit ng buto, conjunctivitis, pananakit ng kasu-kasuan, skin rashes at pananakit ng lalamunan. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply