AFP apektado sa nakaambang pandaigdigang krisis sa langis

AMINADO ang Armed Forces of the Philippine na apektado ang hukbo sa nakaambang pandaigdigang krisis sa langis na pinangangambahan ng mga pribadong indibidwal na magreresulta sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo o pagpapatupad ng limitasyon sa pagbebenta nito sa merkado.

Ayon kay Col. Arnulfo Marcelo Burgos, tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan, na bahagya na nilang nakikinita-kinita ang posibleng pagkakaroon ng world crisis sa produktong petrolyo bunsod na rin ng mga kaguluhan sa gitnang Silangan partikular sa pagitan ng United States at Iran.

Ayon kay Burgoz, kasalukuyan na silang nagsasagawa ng priority at re-alignment kaugnay sa supply ng produktong petrolyo sa punong himpilan.

Nabatid na malaki ang epekto sa AFP, oras na matuloy ang nakaambang pagdaigdigang krisis sa langis dahil tiyak na maaapektuhan nito ang malaking bulto ng Hukbong katihan kung matutuloy.

Sa katunayan, ay may ginagawa ng priority adjusment ang buong sandatahang lakas kabilang na rito ang paggamit ng electric car at hindi ang mga sundalong nasa frontlines

Subalit nilanaw ni Burgos na hindi sila titigil sa kanilang mga operasyon na may kaugnayan sa seguridad ng bansa.

Nabatid pa na higit na maapektuhan ang higher headquarters na siyang tatamaan ng pagtitipid kumpara sa Philippine Army na may mga inaayudahang puwersa sa frontlines.

Ayon kay Army Maj. Harold Cabunoc spokesman ng Philippine Army, kanila ng pinaghandaan ang posibling krisis sa langis kaya nagsasagawa na rin sila ng petrol consumption adjustment subalit hindi kasama rito ang mga pangangailangan sa warfront.

Sinabi ni Cabunoc, na kasalunuyan nang ipinatutupad sa Hukbong Katihan ang Inflationary adjustment ng 12 porsiyento.

Aminado rin si Philippine Air Force spokesman, Col Miguel Ernesto Okol na kakailanganin nila ang pagpapatupad ng adjustment sa kanilang konsumo ng gasoline diesel at higit sa lahat ang aviation fuel.

Subalit nilinaw ni Okol na hindi nila ititigil ang pagpapalipad ng kanilang C130 cargo planes dahil lubhang kailangan ito sa war front at pagtugon sa disaster and calamity mission. Posible umanong limitahan na lamang ang pagpalipad sa training planes.

Magugunitang maging ang mga World Powers ay nagpahayag na ng pangamba sa lumalalang tensyon ngayon sa Persian Gulf dahil sa mistulang showdown sa pagitan ng Amerika at Iran na sanhi ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa nanganganib na pagsara ng Tehran sa Strait of Hormuz.

Ang Strait of Hormuz ang dinadaanan ng 40 porsiyento ng langis na ibinibiyahe sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ng Iran na isasara nang tuluyan ang nasabing shipping lane kapag bumalik pa ang barkong pandigma ng Estados Unidos sa Persian Gulf at kapag nagpataw ng oil embargo laban sa Islamic country ang European Union dahil sa nuclear program ng bansa.

Subalit nanindigan ang Amerika na tuloy ang military deployment sa Persian Gulf at tiniyak sa Tehran na hindi papayagang maisara ang Strait of Hormuz.

Sakaling isara ng Iran ang Strait of Hormuz, ang mga oil reserve ng Western countries ang gagamitin at 14 milyong bariles ng langis ang ilalabas bawat araw ng mga bansa kagaya ng Amerika at Japan.

Araw-araw namang tumataas ang presyo ng produktong petrolyo sa world market bunsod ng nasabing kaguluhan.

Sa ngayon ay nasa $103 na ang bawat bariles ng langis.

Bukod sa tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, nakadagdag pa sa agam-agam ang nangyayaring nationwide strike ngayon sa Nigeria na isa ring oil-producing country, dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Simula kaninang hatinggabi ay nagpataw ng dagdag na presyo ang Eastern Petroleum ng P1.50 sa kada litro ng diesel habang P1.75 naman kada-litro ng gasolina.

Alas-6:00 naman kaninang umaga, sabay-sabay na nagtaas ng P1 sa kada litro ng gasolina, diesel at kerosene ang kompanyang Petron, Chevron, Total at Flying-V.

Ang sabayang oil price hike ay dahil sa patuloy na kaguluhan sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang 80% ng suplay ng petrolyo sa bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply