Aktibismo sa kabuhayan (2)

NOONG Miyerkules ay binanggit natin sa kolum na ito na kailangan ang bago na porma ng aktibismo—ang “economic activism.”

Kailangang maparusahan ang mga abusadong negosyante sa pamamagitan ng pagboboykot sa kanila at paggantimpala sa mga patas na kompanya sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga produkto nila.

Ang adbokasiya upang mapalakas ang “consumer power” ay ginagawa na ng TRANSPORTER.
Kaya’t natutuwa ang inyong lingkod na kamakailan ay nagpasya ang 1-UTAK partylist, kung saan ang TRANSPORTER ay kabilang, na ilunsad ang isang pambansang programang tinatawag na “Buy As One Movement.”

Ang ibig sabihin, mga ‘tol, kailangan tayong magkaisa at kumilos bilang iisang sektor.

Tila iisang katawan, sumunod tayo sa desisyon kung ano-anong mga produkto ang tatangkilikin, ito man ay gasolina, krudo, baterya, gulong, spare parts at iba pa.

Sa pamamagitan nito, magpapatuloy sa kanilang mabuting gawain ang mga negosyong tatangkilikin at posibleng mapagbago natin ang mga suwail.

Upang matiyak na sistematikong maisasagawa ito, nagbubuo tayo ng isang kooperatibang tinatawag nating Pinoy Transporter Consumers Cooperative o PTCC.

Ito ang natatanging kooperatiba ng mga konsyumer sa sektor ng transportasyon. Ang iba ay service cooperatives na kumukuha ng prangkisa para sa mga pampasadang sasakyan na aariin ng mga miyembrong drayber nito.

Kinikilala ng PTCC ang pangangailangang mapalakas ang kapangyarihan ng mga konsyumer upang maiangat ang kabuhayan ng mga kasapi nito.

Maghihintay ba tayo sa biyaya na magmumula sa pamahalaan? Baka mamatay tayong nakanganga.

Magdedepende ba tayo sa ating sarili? Bakit hindi, pero gaano katiyak ito?

Magsisimula sa atin mismo ang economic activism.

Upang magtagumpay, kailangan natin ang isa’t isa. Kailangan nating maging aktibo at isabuhay ang pagiging economic activists o mga aktibista para sa pangkabuhayang pag-unlad ng marami.

Kaya’t dapat nating ilatag ang daraanan bilang isang kolektibo. Kaya’t kilos na, mga ‘tol! Gamitin ang kapangyarihang matagal nang nahihimbing!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply