Anak ni Senator Webb kinasuhan ng BIR

KINASUHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang anak ni dating Sen. Freddie Webb na si Fritz Webb dahil sa hindi pagbibigay ng resibo ng pag-aari nitong salon sa Rockwell, Makati City.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, isinailalim nila ang salon ni Webb sa surveillance matapos makatanggap ng ilang impormasyon na hindi ito nagbibigay ng resibo para sa kanilang mga kustomer.

Bukod kay Fritz, damay din sa kaso si Katherine Webb dahil sa pagiging opisyal nito ng kanilang Basement Salon.

Wika ni Henares, ang hindi pag-isyu ng resibo ay tahasang paglabag sa Section 264, in relation to Section 237 ng National Internal Revenue Code of 1997 na maaaring magresulta sa pagpapasara ng establisimyento.

Samantala, kinasuhan din ng BIR sa Department of Justice (DoJ) ang supplier ng food chain na Jollibee na Great Wall Promotionals Corporation at mga executives nito.

Ani Henares, hindi nagbigay ng tamang impormasyon sa kanilang Income Tax Return (ITR) ang mga opisyal ng nasabing supplier para sa taxable year 2008.

Kinilala ng BIR chief ang mga kinasuhan na sina Carlito Pancho, Flordeliza Casimiro at Roberto Co.

Umaabot sa P173.81 million ang hindi nabayarang income tax ng mga respondent at P66.50 million naman para sa VAT o may kabuuang halaga na P240.31 million.

Ang mga opisyal ng Great Wall ang ika-85th kinasuhan mula nang mag-umpisa ang Run After Tax Evaders (RATE) program ng BIR at DoJ.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply