Ang Friday the 13th

ANO ang unang bagay o unang naiisip mo tuwing maririnig mo ang Friday the 13th?

Bakit nga ba kinatatakutan at may taguring malas ang araw na ito?

Sikat ang Friday the 13th bunsod na rin ng mga pelikula at programa sa telebisyon. Ito ay kinatatakutan at iniiwasan ng mga taong naniniwala dito.

Ang Friday the 13th ay nangyayari kapag ang ika-13 na araw ng buwan ay pumatak sa araw na Biyernes. Madali mo itong matutukoy sapagkat ang buwan na mayroon nito ay nagsisimula sa Sunday o Linggo.

Naikakabit ang Friday the 13th sa mga negatibong aspeto tulad ng malas, katatakutan at sumpa.

Paano nagsimula ang mga konotasyong ito?

Ang kauna-unahang dokumento na nagsasaad sa nasabing pangyayari ay ang biography of Gloachino Rossini, noong 19th century. Base sa mga pinagdaan niya sa buhay, para sa kanya ang Friday ay isang malas na araw at ganoon din ang numerong 13. Sa katunayan, namatay siya sa araw na Friday the 13th sa buwan ng Nobyembre (walang naitalang taon).

Sa pagsasaliksaik tungkol sa usapin ng Friday the 13th ay ilang espekulasyon at teorya ang ating natuklasan.

Numero, pamahiin at bibliya

Ayon sa teoryang ito, ang Friday the 13th ay nag-ugat sa dalawang pamahiin. Una, ang paniniwalang malas ang araw na Biyernes at ikalawa, malas din ang numerong 13. Nakasaad sa numerology ang itinuturing na kumpletong numero (complete number) ay 12. Sinasalamin ito ng 12 buwan sa isang taon, 12 na oras sa orasan, 12 tribo ng Isarel, 12 na mga diyos ng Olympus, 12 na mangagawa ni Hercules at 12 alagad ni Kristo.

Dagdag pa, ang pagkakaroon ng 13 na tao sa hapag ay nagdadala ng malas. Ito raw ay indikasyon na may mamamatay sa isa sa 13. Ang ibinigay na halimbawa ay ang Huling Hapunan sa bibliya.

Biyernes din naganap ang pagpako kay Kristo.

Ang kwento sa Norse mythology

Ayon sa pag-aaral ni Charles Panati, isa sa mga pinaniniwalaang nagsaliksik tungkol sa pinagmulan ng Friday the 13th, mate-trace ang origin ng Friday the 13th sa ancient myth. Ito ang tinatawag na Norse mythology, ayon dito ang Friday ay hango sa pangalang Frigga na isang  free-spirited goddess of love and fertility. At nang ma-convert ang mga Norse at Germanic tribe sa Kristiyanismo si Frigga ay nawalang parang bula. Sinasabing siya ay namalagi sa mga bulubundukin at binansagang mangkukulam. Pinaniniwlaan na tuwing Biyernes ay nagsasagawa siya ng ritwal kasama ang 11 pang mga mangkukulam at panglabintatlo ang demonyo.

Knights Templar

Isa ang pangyayaring kinasangkutan ng Knights Templar noong panahon ng Krusada sa Jerusalem ang iniuugnay sa pagpapasimula ng malas na konotasyon sa Friday the 13th. Ang Knights Templar ay binuo upang protektahan ang mga Krsitiyano sa mga pilgrimage noong panahon ng Krusada.

Patuloy na naging makapangyarihan at mayaman ang Knights Templar sa loob ng dalawang siglo (century). Ito ang nagtulak kay King Philip IV sa pagnanasa at pag-asam sa kanilang kapangyarihan at kayamanan. Natakot ang hari sa kanilang kapangyarihan kaya naman kanyang ipinag-utos ang isang sikretong pag-aresto sa boung Knights Templar.

Kanyang ipinapatay at ipinasunog ang mga ari-arian ng Knights Templar. Nangyari ito noong ika-13 ng Oktubre 1307 na isang Friday the 13th.

Pinasikat pa lalo ng nobelang “The Da Vinci Code” ang koneksiyon ng Knights Templar sa Friday the 13th.

Marami pang nasusulat sa pinag-ugatan sa mga negatibong konotasyon sa Friday the 13th. Pero wala naman talagang makapagpapatunay na totoo nga ito. Marami pa ring naniniwala na ang mga pangyayaring naghantong sa masamang konotasyon sa Friday the 13th ay nagkataon lamang.

Iba pang kaalaman sa Friday the 13th

Alam ba ninyo na bunsod ng mga hindi magagandang karanasan ng mga tao ukol sa nasabing malas na araw ay may mga tao ang nagkaroon ng phobia sa araw na ito?

Tinatawag na “friggatriskaidekaphobia” o “paraskevidekatriaphobia” ang takot sa Friday the 13th. Ang salitang paraskevidekatriaphobia ay hango sa mga Greek words na Paraskevi na ibig sabihin ay Biyernes o Friday, dekatreis na ibig sabihin ay numero 13 at phobia na ibig sa sabihin ay fear o takot.

Nakasaad sa ilang website sa Internet na umaabot sa 17 hanggang 20 milyong mga tao sa Estados Unidos ay apektado ng takot sa araw na ito. Ito ay ayon sa Stress Center and Phobia Institute sa Asheville, North Carolina.

Dahil sa takot ng mga tao, kadalasang pini-freeze ng may mga phobia sa Friday the 13th ang kanilang mga gawin sa araw na ito. Kanilang kinakansela lalo na ng mga negosyante ang kani-kanilang business trips, business transaction sa paniniwalang may mangyayaring masama at sila ay mamalasin.

Sa naitala sa kasaysayan ng mundo, may ilang mga pangyayari ang naganap sa Friday the 13th. Isa na rito ay ang Hurricane Charley na tumama sa South Florida noong ika-13 ng Agosto taong 2004. Tumama ang tinatawag na “Friday the 13th storm” sa Buffalo New York noong Oktubre 13, 2006. At ang Andes plane crash noong ika-13 ng Oktubre 1992.

Ang mga negatibong konotasyon na naikabit sa Friday the 13th ay bunsod na rin ng mga pangit na pangyayari sa buhay ng mga taong nagkaroon ng phobia rito. Nanatili ang takot sa kanilang mga puso kaya naman tuwing sasapit ang araw na ito ay nais na lamang nilang manahimik sa kanilang mga tahanan. Ngunit ayon na rin sa mga pagsasaliksik ng mga folklorists ay wala pa namang solidong ebidensiya na nakalap upang patunayan ang mga konotasyong malas, masama o nakakatakot ang Friday the 13th.

Nasa tao na marahil kung maniniwala o hindi sa mga konotasyong ito ng Friday the 13th.

Sa taong kasalukuyan, may tatlong buwan na mayroong Friday the 13th. Isa ngayong araw (Enero 13), Abril 13 at Hulyo 13.

Ang tanong, dapat ba tayong matakot sa Friday the 13th? Hindi naman siguro, pero pinapayuhan na mag-ingat hindi lamang tuwing Friday the 13th kundi araw-araw lalo na ngayon na naglipana ang mga masasama sa paligid.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply