Ang mga kalabaw at usok ng sasakyan

ANG kikinis ng mga kalabaw, matitikas at malalaki. Ito ang nakita ko sa San Antonio, Nueva Ecija nitong nakaraang weekend.

Sa grand parade ng bisperas ng fiesta ng naturang bayan, pang-finale ang halos 100 kalabaw sakay ang kalabaw boys minus the guns and boots ng western cowboys.

Ito Ang Totoo: kahit naggagandahan ang mga float, banda at mga reyna at prinsesa, ang mga kalabaw talaga ang pinakahihintay ng madla.

Nakatutuwa rin naman ang mga reyna at prinsesa. Bilang tugon sa temang pangkalikasan, may isang ang damit ay gawa sa saha ng saging. Meron ding puro pinitpit na tansang aluminum, pinagdikit-dikit na papel at ang isa’y pinagsama-samang plastic na takip ng bote na umaayon sa hubog ng katawan ng ipinagmamalaking kadalagahan.

Pangkalikasan: native at recylables, perpekto! Wala ring pulitiko na humara-harang kasama sa parada hindi tulad sa ibang lugar sa Gitnang Luzon na ginagawang kampanya ng mga epal na pulitiko ang parada.

Palakpak tayo diyan!

Pero, isang bagay lang. May mga truck at tricycle na ginamit sa parada na mausok talaga. Sa sikip ng mga daan sa ruta, hindi maiwasang kumapal ang usok sa ilang pagkakataon lalo na kapag pansamantalang nakatigil ang parada.

Ito Ang Totoo: Masama sa kalusugan ng tao, lalo na sa mga bata, buntis at matatanda, ang nakalalasong usok ng mga sasakyan, bukod pa sa masamang epekto nito sa kalikasan.

Karamihan pa naman sa mga matiyagang maghintay ng ilang oras hanggang sa dumaan ang parada ay may bitbit at karay-karay na mga bata.

Attention! San Antonio Mayor Arvin Salonga at mga organizer ng fiesta, partikular ng parada: maganda ang salansan ng mga karosa, banda, mga reyna at prinsesa.

At tunay na may kakaibang pakiramdam kapag dumaraan na ang maraming kalabaw na makikinis, matitikas at naglalakihan sakay ang mga kalabaw boy ng bayan.

Pero sana, sa mga susunod na taon, tiyaking hindi mausok ang mga sasakyang gagamitin sa parada. The best kung wala na talagang ‘di gasolina o diesel na sasakyang kasama.

Ito Ang Totoo!

***

Pagbati sa angkan ng mga De Leon ng Tikiw, San Antonio, gayundin sa mga kapatid sa Masonerya sa Nueva Ecija. Mabuhay po kayo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga reklamo, puna o puri, basta’t para sa kabutihan, ipaabot sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply