Ano ang dapat patunayan?

AYAW pumayag ang Land Transportaion Office (LTO) na magtaas ng pamasahe ang mga pampublikong sasakyan.

Patunayan muna umano ng mga manggagawang nasa transportasyon na naghihirap sila.

‘Di kumbinsido ang LTO na aprubahan ang hiling ng transport groups na dagdagan ng P2 ang kasalukuyang minimum fare na P8 sa mga dyipni at bus.

Kahit nga ang 50 sentimos na pansamantalang taas ng pasahe ay ayaw pa rin.

“Patunayan n’yo munang naghihirap kayo,” sabi ng ahensya ng gobyerno sa mga drayber ng pampasaherong sasakyan.

Samantala, muling nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa ikalawang pagkakataon sa loob ng isang linggo nitong nakaraang linggo.

Tulad ng dati na parang sirang plaka nang pinatutugtog ng oil firms, sumirit na naman kasi ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Kapag ganito, walang magawa ang mga nasa pampublikong transportasyon.

Hindi pa rin nareresolba ang misteryo ng kung bakit napakabilis ng reaksyon ng mga kompanyang ito sa pagtaas ng presyo sa merkado.

Wala ba silang imbentaryo na nabili nila bago gumalaw ang world market?

Bakit hindi sila sinasabihan ng gobyerno na patunayan muna nilang naghihirap sila bago sila magtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo?

Oo pala, protektado sila ng umiiral na Oil Price Deregulation Law.

‘Yan adin ang pangsalag ng pamahalaan tuwing magtatanong ang mga manggagawa ng sektor ng transportasyon kung bakit ganito ang ugali ng mga kompanya ng langis.

Walang batas na nagsasabing maaaring mag-adjust ng pasahe ang mga pampasaherong sasakyan tuwing may pagtaas o pagbaba sa gasolina, diesel o liquified petroleum gas na hindi nila maiiwasang pagkagastusan sa araw-araw nilang paghahanapbuhay.

Hindi kaya ito ang kulang?

Para naman patas sa lahat, hindi ba?

Para hindi ganitong kailangan pang patunayang naghihirap bago bigyan ng kaluwagan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply