Ano ang nangyari sa NBI?

MARAMI ang nagulat sa pagpapatalsik kay ex-police general Magtanggol Gatdula bilang director ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ang umano’y pagkakasangkot sa kidnapping ng isang undocumented Japanese national ang ugat ng kanyang pagkakasibak.

Ang naging basehan ni Sec. Leila de Lima para tanggalin si Gatdula ay ang ipinag-utos niyang isinagawang imbestigasyon.

Isang NBI agent na umamin na kasama sa operasyon para ‘kunin’ ang sinasabing kinidnap na Hapon ang nagdiin kay Gatdula.

Ayon sa agent na ito, batid ni Gatdula ang ginawang ‘pagdukot’ na pinalabas na kunwari’y tunay na operasyon ng NBI.

Pero, pinabulaanan ni Gatdula ang paratang na batid ang nangyaring ‘abduction’ ng Haponesa. Wala raw siyang alam sa nangyari.

Tayo ay isa lamang sa maraming nalulungkot sa nangyayaring ganito sa itinuturing na numero unong investigating body sa bansa.

Ang ahensyang ito ang tinatakbuhan ni Mang Juan o ng gobyerno kapag may paiimbestigahang malaking krimen o anomalya.

Ito’y dahil ang mga ‘imbestigador’ dito ay masasabi nating mga bihasa sa batas dahil sa tinapos na kurso na pawang mga abogado.

Nakatatak sa mga kukote natin na ang mga ito’y walang gagawing masama, dahil, kumbaga, sila’y mga sugo ng batas.

Wala sa bukabularyo natin na sila’y gagawa ng masama, pero sa pag-amin ng ahenteng ito at isinabit ang mga kapwa NBI agent, aba’y, ano na ang nangyayari sa NBI?

Pati na ang hepe ay kasama at kasapakat daw sa kidnap for ransom ng nasabing Haponesa.

Baka maniwala na ako sa matagal nang umuugong na balita na ang ahensyang ito ng pamahalaan ay buhay na buhay rin sa korapsiyon.

Naaawa tayo kay Gatdula – na nakilala natin na walang bahid na nagsilbi ng matagal sa kapulisan, kung totoo ang paratang.

Marahas ang batas sa mga nagkakasala, pero ‘di ibig sabihin ay magmumukmok na lang ito at antayin ang ipapataw na kaparusahan.

Kumbaga, kaso pa lamang ang isinampa na lilitisin pa sa korte. Karapatan niyang harapin ang ipinaparatang para malaman ang katotohanan sa likod ng nangyayaring ito sa NBI.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply