Ano ba ang meron sa Ingles?

PINANGANGALAWAHAN ng kolumnistang ito ang mungkahi ni Malolos Bishop Jose Oliveros ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa prosecution at defense team sa paglilitis kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona na gumamit ng sariling wika sa panahon ng impeachment hearing.

“Nose-bleed,” ‘ika nga ng mga kabataan ngayon, ang mga naririnig sa mahalaga at maaaring makasaysayang pagdinig na mula pa noong Lunes ay bino-broadcast na sa radio at telebisyon.

Puro Ingles kasi ang isinasalita ng mga naroroon, mula sa presider na si Senate President Juan Ponce Enrile, sa mga abogado ng magkabilang panig at hanggang sa mga saksi o witness.

Bakit kasi hindi ang lengguwaheng Filipino ang gamitin? Ah, dahil hindi naman lahat ng mga ito ay sanay mag-Filipino. Mas komportable sila sa Ingles.

Ayos lang ‘yan, mga ‘tol, di ba? Okey lang ‘yan kapag ayaw talaga nilang ipaintindi sa madla ang pinag-uusapan.

Ang tanong ko lang ay ganito: “Kung alam naman pala nilang hindi maiintindihan ng mayorya ng populasyon, bakit nag-broadcast pa?”

Ang paliwanag nga ni Bishop Oliveros, Filipino ang dapat salitain sa pagdinig dahil mahalagang malaman ng sambayanan, kabilang ang mga drayber ng pampasaherong sasakyan, ang proseso at resulta nito.

Unang-una, hindi ba’t pera ng mga mamamayan na nagbabayad ng buwis ang ginagastos sa pagdinig na ito? At huwag isipin ninoman na hindi natin sinusundan ang proseso.

Marami ang nakatutok dito.

Halimbawa na nga lang ay mga drayber ng pampublikong sasakyan. Marami sa kanila ang may radyo sa kani-kanilang yunit. O kaya naman ay maraming terminal ang may telebisyon kung saan maaaring mapanood ang pagdinig.

Huwag na nilang intindihin ang mga terminong ligal na umano’y mahirap isalin sa sariling lengguwahe. Eh di gamitin ang Ingles kung Ingles ang terminong ligal. Baka akala nila ay hindi natin makukuha ang ibig sabihin ng mga ito.

Huwag naman sana nilang i-underestimate ang ating kakayahang intelektuwal.

Hindi komo nag-i-Ingles sila ay mas matalino na sila kaysa sa mga mas komportable sa Filipino.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply