Sakdal sa SM shooting suspect sinuspinde

SINUSPINDENG muli ng Quezon City court ang pagbasa ng sakdal sa misis na bumaril at nakapatay sa kanyang asawa sa SM North EDSA, Quezon City noong Setyembre, nakaraang taon.

Ipinagpaliban ang pagbasa ng sakdal kaninang umaga sapagkat hinihintay pa ang resulta o ulat ng mga espesyalista hinggil sa tunay na kalagayan ng kaisipan ng suspek na si Shella Macapugay.

Itinakda ni Judge Bayani Vargas ng QC Regional Trial Court Branch 219 ang arraignment ni Macapugay sa Marso 20 sapagkat kailangan pang isumite ng kanyang doktor ang kinalabasan ng pag-eksamen sa kanyang pag-iisip.

Ayon pa sa isang staff ng QC RTC Branch 219, may nakabinbin ding petisyon ang jail warden ng QC female dormitory ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kailangan pang resolbahin ng korte.

Sa isang liham noong Enero 20, 2012, hiniling ni Superintendent Milet Batac kay Judge Vargas na payagan si Macapugay na lisanin ang kanyang kulungan ngayong Pebrero 1 at 9, 2012 upang sumailalim sa psychological assessment.

Matatandaan na noong Setyembre 14, 2011 ipinuslit ni Macapugay ang .38 kalibre ng baril sa loob ng mall at binaril sa ulo ang kanyang mister na si Abel na diumano’y ipinagpalit ang suspek sa ibang babae.

Nadamay din sa kaso ang isang security guard na si Ricardo Inamac na namatay sa ospital matapos mabaril nang subukan niyang pigilan ang pagpapakamatay ni Shella.

Batay pa sa ulat ng pulisya noon, naghanda ng dalawang suicide notes ang suspect, isa para sa kanyang ina at isa para sa kanyang biyenan kung kanino niya inihabilin ang pag-aalaga sa kanyang anak.

Nagtatrabaho si Abel bilang sales employee sa isang shop sa naturang mall kung saan naging empleyado rin ang suspek. Nabatid pa na ang kabit ng biktima ay nagtatrabaho rin sa nasabing mall.

Anim na taong kasal ang biktima at ang suspek at nagkaroon nga sila ng anak na babae na limang taon na nang maganap ang insidente.

Napag-alaman pa sa pulisya na nanganak din ang kabit ni Abel ilang araw bago naganap na pamamaril.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply