Ayala-Alabang napasok ng drug syndicate

MAGING mga eksklusibong subdibisyon ng mga mayayaman ay nagawa nang pasukin ng internasyunal na sindikato ng iligal na droga.

Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang itinayong shabu laboratory kaninang madaling-araw sa isang bahay sa No. 504 Acacia Avenue, Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City.

Sinabi ni PDEA Director General Jose Guttierez na apat na Chinese national ang kanilang naaresto sa loob ng sinalakay na bahay. Kinukumpirma pa ang pagkakakilanlan ng nadakip na mga suspek.

Ayon kay Guttierez, noong Hulyo 2011 pa nila isinasailalim sa surveillance operation ang naturang bahay na nakatirik sa isang ektarya na nababakurang lupain sa loob ng eksklusibong subdibisyon. Ito’y makaraang magsumbong sa kanila ang ilang homeowners.

Nakumpiska sa naturang operasyon ang saku-sakong mga kemikal o precursors sa paggawa ng shabu, ilang mga finished products at mga kagamitan.  Hinihinala naman ni Guttierez na nailabas na ang mga “finished products” dahil sa mga bakas nito.

Sa estima ni Guttierez, kayang lumikha ng higit sa 10 kilo ng shabu ng naturang “medium scale laboratory” sa loob ng dalawang araw.

Sinabi rin nito na kilala na nila kung sino ang nakarehistrong may-ari ng naturang lupain at bahay na nagparenta sa mga Chinese nationals ngunit kanilang hinahalukay pa ito upang magkaroon ng dagdag na ebidensya.

Inaalam rin kung paano nagagawang makapaglabas-masok ng iligal na droga at iba pang kemikal ng mga miyembro ng sindikato sa gate ng naturang subdibisyon na inaasahan na may mahigpit na seguridad.

Kasalukuyan namang isinasailalim sa interogasyon ang nadakip na mga Chinese nationals upang mabatid kung anong grupo ito kabilang.

Nakatakdang sampahan rin agad ang mga ito ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply