Bagong buhay

SA pagpasok pa lang ng bagong taon o 2012, marami na sa ating mga Pinoy ang nag-isip at gumawa ng kani-kanilang New Year’s Resolution na sa pagkakaalam nila ay babago ng kanilang kinagawian at uri ng buhay.

Nariyan ang mga pangakong pagbabago tulad ng hindi na maninigarilyo, hindi na mag-iinom, magiging masipag na sa trabaho, gigising ng maaga, magiging masunurin na sa magulang o asawa, hindi na mambababae o manlalalaki, at marami pang iba.

Pero kadalasan, pawang sa salita lang natin nagagawa ang mga pangakong ito para sa bagong taon.

Mas pinipili natin ang kasiyahan ng katawan bago natin maisip na lugmok na pala tayo sa nakagawian na siyang nais nating mabago sa ating sarili.

Kaya naman pagdating ng susunod na taon, panibagong pangako na naman.

Na mapapako?

Hindi madali ang baguhin ang nakagawian na, mahirap ang disiplina sa sariling katawan.

Pero kung ating iisipin na tayo rin sa bandang huli ang makikinabang, makabubuting pairalin natin ang pagsaway sa gusto ng ating katawan at sa halip ay sundin ang isipan.

Ganito rin ang mabuti sa pamahalaan.

Kung batid ng mga opisyal at tauhan ng gobyerno na marami ang makikinabang kung aayusin nila ang kanilang trabaho, hindi sana nangyari ang ilang sakuna tulad ng bagyo, landslide at pagbaha na pinagdusahan ng ating mga kababayan.

Ang nais kasi ng mga ganid at tiwaling opisyal at empleyado ng pamahalaan ay kung paano nila daragdagan ang laman ng kanilang bulsa kaya naman na-pabayaan ang kanilang trabaho na nauuwi sa pag-bubuwis ng buhay ng ating mga kababayan.

Ngayong unang buwan ng taon, bayaran na naman ng mga business permit, tax, at mga katulad nito.

Kuhanan din ng police clearance, NBI clearance, health permit, sanitation permit at iba pa kaya marami na naman ang maglalabasang fixer sa labas at loob ng mga tanggapan ng gobyerno at may mga pagkakataong mismong empleyado pa ang mga ito.

Maganda kung pagbubutihin ng pamahalaan ang serbisyo sa mamamayan upang hindi na mabigyan pa ng pagkakataong magkamal ng salapi ang mga fixer na ito na ang ilan ay madalas pang gawing “baka” o pinagkakaperahan ang mga tao.

Ang ilan sa mga tanggapan ng pamahalaan na maraming fixer ay ang Land Transportation Office (LTO),  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), City Halls, Bureau of Internal Revenue (BIR) at mga katulad na tanggapan na kinukuhanan ng mga papeles.

Nawa’y mawala na ang mga mapagsamantala sa mga ganitong tanggapan.

At sa mga nais na mapadali ang trabaho nila kaya umaasa sa fixers, baka iiyak-iyak kayo kapag nabiktima kayo ng mga manloloko dahil sa ayaw ninyong mahirapan kayo.

Bagong Taon na kaya dapat ay bagong buhay na tayo.

Okay lang magpatulo ng pawis at mapagod ng konti dahil sa bandang huli ay para sa kapakinabangan din natin ito.

Mas masarap tamasahin ang tagumpay mula sa sariling kayod.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan  ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari   kayong mag-text sa 0921-5175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply