Bagong patakaran sa ‘offloading’ ng pasahero sa NAIA ipatutupad

IPATUTUPAD na ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong patakaran sa “offloading” o pagbabawal sa isang Pilipinong pasahero na makalabas ng bansa sa mga pambansang paliparan.

Sa ginanap na pagpupulong noong Biyernes (Enero 20) ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay, nagkasundo ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan na kasapi sa konseho at ang mga non-govermental organization na magkaroon pa ng malawakang pag-uusap hinggil sa kanilang ipinalabas na “guidelines on departure formalities for international-bound passengers in all seaports and airport.”

Nanawagan naman ang militanteng grupong kumakatawan sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa kawanihan na seryoso at tapat na ipatupad ang bagong patakaran.

Ayon sa Migrante, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga OFW na arbitrayo umanong hindi pinapayagang makasakay ng eroplano ang mga kamag-anak ng OFW patungong United Arab Emirates sa kabila ng pagpapakita ng authenticated affidavit of support mula sa embahada ng Pilipinas sa Dubai.

Umaasa naman si Binay na ang pagpapatupad sa bagong patakaran ay makakatulong ng malaki sa kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking.

Gayunpaman, aminado rin si Binay na posibleng magkaroon pa ng kaunting pagbabago sa inilabas na patakaran upang mabalanse ang karapatan ng isang mamamayan na makalabas ng kanyang bansa at ang ginagawang kampanya ng pamahalaan.

Batay sa patakaran, dadaan sa primary inspection ang lahat ng mga papaalis na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang pambansang paliparan kung saan titignan ang kanilang pasaporte, visa kung kinakailangan at tiket sa eroplano.

Inihanay na rin sa apat na kategorya ang pagtatasa sa mga pasaherong palabas ng bansa at ito ay ang turista, OFW, immigrant at permanent resident at espesyal na klase ng pasahero.

Para sa mga Pilipinong turista, pinayagan ng konseho ang mga immigration officer na magsagawa ng secondary inspection o ikalawang ulit na pagsusuri upang mapangalagaan ang mga posibleng biktima ng human trafficking at illegal recruitment batay na rin sa pag-aanalisa ng kanilang edad, pinag-aralan at pampinansiyal na kakayahan upang mangibang-bansa.

Kabilang sa mga pasaherong awtomatikong isasailalim sa secondary inspection ay ang mga biyaherong walang sapat na pera para mangibang-bansa at kasama ang isang dayuhan na hindi kamag-anak; mga menor de edad na bibiyaheng hindi kasama ang kanilang magulang o kaya naman ay guardian at walang travel clearance mula sa Department of Social Welfare and Development; kasintahan o mag-aasawa ng isang banyaga na ang pagtungo sa ibang bansa ay upang makipagkita o kaya ay magpakasal nang walang guidance and counseling certificate mula sa Commission of Filipinos Overseas (CFO); mga pasaherong nakapagbiyahe at nanatili ng mahigit sa isang taon sa ibang bansa, gamit ang tourist visa; at mga biyaherong magtutungo sa mga bansang may kasalukuyang deployment ban, alert levels, travel advisories.

Ayon kay Binay, inilagay ang probisyon para sa secondary inspection upang mapigilan ang mga tinaguriang ‘tourist workers’ at posibleng biktima ng illegal recruitment at trafficking na makalabas ng bansa.

Batay sa datos ng immigration noong 2011, 512 pasaherong palabas ng bansa sa NAIA ang pinigil at 30 rito ay menor de edad, 316 ang tourist worker at 175 ang OFWs na may depekto sa kanilang dokumento. Freddie Cortez

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply