Bagong peste sa palayan, natuklasan sa 4 rehiyon

NAMIMINSALA ngayon ang isang bagong peste sa mga pananim na palayan sa apat na rehiyon ng bansa, ayon sa ulat kaninang umaga ng Department of Agriculture (DA).

Ayon sa DA, ang mga apektado ng bagong natuklasang peste ay ang Regions 5, 7, 8 at 13.

Ang pesteng ito, dagdag pa ng DA, ay nakikita sa mga taniman ng palay at bunsod nito ay nag-iiba ang kulay ng mga butil at nababawasan ang kalidad nito at pati ang sustansiyang angkin nito.

Unang natuklasan ang peste sa masusing pananalisksik ng Regional Crop Protection Center ng DA sa Region 8, partikular na sa Tacloban.

Ang  peste ay kinilala bilang Paromius iongulus. Ngunit ito’y kailangan pang pormal na kilalanin ng mga eksperto.

Nakita rin ang naturang peste sa Bicol Rregion noong Setyembre 2011 sa dalawang barangay sa Ragay, Camarines Sur na sinalanta nito.

Umabot sa 100 ektaryang palayan ang sinalakay ng peste at umabot mula 50 hanggang 70 porsyento ang nasira na palay.

Subalit sinasabi ng DA na walang dapat ikabahala ang mga magsasaka sapagkat hindi pa naman kalat ang naturang peste. Kailangan lamang ang pagmo-monitor sa kanilang mga pananim para makita kaagad ang nasabing peste.

Wala pa namang ulat ang DA kung ang naturang peste ay makaaapekto sa agenda ng pamahalaang Aquino na gawing rice self-sufficient ng bansa sa 2013. Robert C Ticzon

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply