Bagong PCG chief may kaso sa Sandiganbayan

KAKAUPO pa lamang sa puwesto bilang bagong pinuno ng Philippine Coast Guard (PCG) ni Rear Admiral Edmund Tan ay pinutakti na agad ito ng kontrobersiya.

Si  Tan na itinalaga kahapon (Enero 24) ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ay nahaharap umano sa kasong graft sa fourth division ng Sandiganbayan ng Office of the Ombudsman dahil sa reklamo ng negosyanteng si Reynaldo Chua, Jr.

Nabatid na noong Disyembre 2010 nang maghain ng reklamo si Chua hinggil sa pang-iipit umano ni Tan sa kanyang barko na naglalaman ng mineral na bato noong 2007.

Napag-alaman naman na pinuno noon si Tan sa PCG-Visayas Command.

Batay sa isang Temporary Restraining Order (TRO), lumitaw umanong kaduda-duda ang pagpigil ng PCG-Visayas sa barkong LCT Kapitan.

Naglabas naman ng kautusan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 7 Office  na payagan nang makapaglayag ang barko matapos masuri na kumpleto ito sa dokumento.

Sa kabila ng kautusan ng DENR ay piniglan pa rin ng PCG-Visayas ang nasabing barko na makapaglayag kung kaya naantala ito ng isang buwan dahil sa umanoy nakitang problema sa kagamitan sa paglalayag.

Lubos naman nakaapekto ang pagkakantala ng biyahe ng nasabing barko kung saan lumaki ang naging gastos ni Chua sa operasyon at umabot ito ng P500,000.

Kinatigan ng Ombudsman ang reklamo ni Chua na dahil sa ginawa ng PCG-Visayas ay nabigyan ng “unwarranted benefits, advantage and preference” si Benito Aratea Sr., na naghahabol din sa pag-aari ng mga mineral na bato.

Nabatid na mismong si Aratea umano ang nag-aply ng TRO sa Pagadian City Regional Trial Court ngunit hindi umano ito  naipalabas.

Ang naturang akusasyon ay mariin namang itinanggi ni Tan at sa halip ay iginiit nito na may sapat na basehan ang pagpigil sa LCT Kapitan para lamang masiguro ang kaligatasan nito sa paglalayag.

Samantala, pumangalawa na si Tan sa mga itinalagang opisyal ng Pangulong Aquino na may kinakaharap na kasong katiwalian sa Sandiganbayan.

Matatandaan na itinalaga rin ni Aquino si Nereus Acosta na pinuno rin ng Laguna Lake Development Authority na umanoy sangkot din sa katiwalian.

Ipinalit ni Aquino si Tan sa nagretirong si Admiral Ramon Liwag. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply