Bangkay na isinilid sa drum sa Pasay kinilala na

MATAPOS ang halos isang linggo, kinilala na ng pulisya ang bangkay ng lalaking pinatay sa saksak saka isinilid sa loob ng plastic drum bago itinapon sa bunton ng basura noong Enero 11 sa Pasay City.

Positibong kinilala ni Lea Mallari, ng Blk 79 Lot 21, Northville, Kalulot, San Fernando, Pampanga ang kanyang nakababatang kapatid na si Armin Joboco, 37, ng 1811 Zamora St., Pandacan, Manila na siyang nakita ng awtoridad na nakasilid sa plastic drum.

Sa pahayag ni Mallari, nakulong aniya ang kanyang kapatid sa Iwahig Penal Colony mula pa noong 2003 matapos masangkot sa pagpatay at nabigyan ng parole nito lamang Nobyembre 14, nagdaang taon.

Sa kanila aniyang bahay sa Pampanga tumuloy ang kanyang kapatid matapos lumaya subalit nagpaalam na magtutungo sa isang kaibigan sa M. Dela Cruz, Pasay City at mula noon ay hindi na bumalik.

Kamakalawa ng gabi ay napanood ni Lea sa isang programa sa telebisyon ang pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima, kasabay ng pagkakatuklas din sa bangkay ng OFW na si Nidzalyn Bahjin na isinilid sa maleta at iniwan sa parking lot ng NAIA terminal 1.

Napansin aniya ni Lea ang tattoo sa katawan ng bangkay ng lalaking isinilid sa drum na kahawig ng tattoo ng kanyang kapatid kaya ipinasiya niyang magtungo sa headquarters ng Pasay police upang alamin kung saan nakalagak ang bangkay ng biktima.

Sinabi ni Lea na bago pa man lumaya ang kanyang kapatid ay nagsumbong na sa kanya na pinagbabantaan siya ng isang kasamahan niya sa bilangguan na nagtanim ng inggit at galit matapos maging malapit ang kanyang loob sa warden ng bilangguan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply