Bank records ni Corona kakalkalin

KINUKONSIDERA muli ng prosekusyon mula Kamara de Representante ang paghingi ng pahintulot sa Senate impeachment court na ipa-subpoena ang mga bank record ni Chief Justice Renato Corona at asawang si Cristina kaugnay pa rin ng pagpapatuloy ng pagdinig sa Article 2 ng impeachment complaint laban dito.

Kahapon (Lunes, Enero 30), inilahad ng opisyales ng dalawang higanteng property developer na binayaran ng halos buo ng mag-asawang Corona ang magagarang condominium unit sa Bellagio Tower at Bonifacio Ridge kapwa sa Taguig City, kaya naman kinukonsiderang muli ng prosekusyon na ipa-subpoena ang mga bank record ng mag-asawa.

Sa ngayon, wala pang desisyon ang panig ng prosekusyon at kanila pang pinag-uusapan kung kailangan bang tuluyang bulatlatin at busisiin ang bank account ng mga Corona.

Nitong nakalipas na linggo, humingi na ng pahintulot sa Senado ang prosekusyon upang ipa-subpoena ang bank record ng mga Corona sa apat na lokal na bangko subalit iniatras nila ito dahil sa kondisyon ng impeachment court na kailangan muna nilang ikunekta ang bintang ng nakaw na yaman sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng punong mahistrado.

Gayunman, nilinaw ng prosekusyon na, “inireserba na namin ang karapatang magsumite ng kaukulang pahintulot upang muling i-subpoeona ang bank account nina Renato C. Corona at Cristina R. Corona sa tamang oras upang patunayang hindi nagdeklara ng tama at makatotohanan sa kanyang SALN si Corona.”

Base sa Section 2 ng Republic Act 1405 o ang “Act Prohibiting Disclosure of or Inquiry Into, Deposits With Any Banking Institution and Providing Penalty Therefor,” maaaring bulatlatin, himayin at busisiin ang anumang bank record kung gagamitin ito sa isang impeachment proceeding.

Ayon kay spokesman Deputy Speaker Erin Tañada, Kung tuluyan nilang ipa-subpeona ang mga bank record ng mga Corona ay wala umano silang nilalabag na batas dahil gagamitin ito sa impeachment trial ng chief justice.

Giit naman ng tagapagsalitang si Rep. Miro Quimbo, nabili na ng buo ng mga Corona ang Bellagio penthouse noong 2009 sa loob lamang ng isang buwan at ang Bonifacio Ridge condominium unit noong 2004 sa loob ng 12 buwan, subalit nito na lamang 2010 ito idineklara sa kanyang SALN ng punong mahistrado.

“Malinaw na panlilinlang ito. Hindi siya makapagsisinungaling dahil ebidensiya namin ang kanyang SALN at mga ligal na dokumento,” wika ni Quimbo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply