Banta ng terorismo sa pista ng Quiapo ikinalungkot ng obispo

MARIING tinuligsa ng isang Catholic bishop ang umano’y banta ng terorismo sa isang relihiyosong pagtitipon tulad ng prusisyon para sa Itim na Nazareno na idinaos ngayon sa Maynila.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nakalulungkot na may mga ganitong banta ng karahasan sa isang okasyon na nagpapakita kung gaano kalakas at kaigting ang debosyon ng mga tao sa Panginoon.

“Napakalakas ng debosyon ng mga tao sa Poong Nazareno, nakikita natin iyan na sila they go out of their way para pumunta roon at nagpe-penitensya, nakayapak pa ngayong mainit yung daan na pupunta at sisiksik sa mga tao. Ito ay talagang pagpapakita ng kanilang debosyon sa Poong Nazareno at alam natin na habang tayo’y napapalapit sa Diyos napapalapit din tayo sa ating kapwa,” ayon kay Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Hiniling ng obispo na ipinagdasal na huwag matuloy ang masamag balak na ito.

Pinayuhan din nito ang publiko, partikular na ang mga deboto na maging maingat at maging mapagbantay sa mga taong nakapaligid sa kanila upang hindi magtagumpay ang anumang masamang balak ng mga terorista.

“…habang tayo’y nakikiisa sa mga deboto at sa sama-sama din kayo sa pagdadasal para sa kanila nawa’y ipagdasal natin na walang masamang mangyari sa araw na ito na siyang matinding pagpapahayag ng debosyon sa ating Poong si Hesus,” anang CBCP official.

Nauna rito, kahapon (Enero 8) mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang nagbunyag na may banta ng terorismo sa pista ng Itim na Nazareno.

Dahil dito, pinayuhan ng Pangulo ang mga mamamayan na maging maingat.

Nagpakalat na rin ang pamahalaan ng libu-libong puwersa ng mga pulis upang magbantay sa milyon-milyong deboto na dumalo sa prusisyon.

Maging ang signal ng cellphone ay ipinaputol rin ng pamahalaan upang matiyak na hindi magagamit ang cellphone bilang triggering device sa posibleng pagpapasabog ng bomba para guluhin ang okasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply