Batas dapat ipatupad ng senator-judges – CBCP

DAPAT ipatupad ng Senator-judges kung ano ang sinasabi ng batas upang maging patas ang impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na sinimulan na ngayong araw.

Ito ang payo ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kasunod ng pangamba na madungisan ng pamumulitika ang pagkakaroon ng katarungan at paglabas ng katotohanan sa impeachment trial ng punong mahistrado.

Hinimok din ni Iniguez ang publiko na subaybayan at bantayang mabuti ang proseso upang matiyak na ang lahat ng magaganap ay naaayon sa batas.

Paliwanag ng CBCP official, maaaring magkaroon ng pagmaniobra at political relations na dapat aniyang maiwasan.

“Kung ano yung sinasabi ng batas ay siyang pairalin para magkaroon ng justice at lumabas ang katotohanan kaya subaybayan natin yung procedure para everything is according to law. Naririyan ang pagmamaniobra, nandiyan ang political relations na sana ay maiwasan ang lahat. Lahat sana ay mag-cooperate towards in pursuit of truth and justice,” ani Iniguez.

Umaasa rin si Iniguez na ang tatlong sangay ng pamahalaan ay maglilingkod talaga ng tapat, para sa bayan at hindi para sa sarili at political affiliation.

Samantala, ipinagdarasal naman ni dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo na makamtan ng sambayanang Pilipino ang kabutihan para sa lahat at hindi sa ilang personalidad o opisyal ng pamahalaan kaugnay sa tunggalian ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

Naniniwala rin ito na makatutulong ang impeachment trial sa pagiging demokratikong bansa ng Pilipinas na kinikilala ang Saligang Batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply