Kasambahay sa China bawal pa rin – DFA

BAWAL pa rin sa China ang pagkuha ng manggagawang Pilipino upang magtrabaho sa kanilang bansa bilang mga kasambahay, guro o musikero.

Ito ang paalalang binitiwan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino makaraang tumanggap ang kagawaran ng dumadaming reklamo ng illegal recruitment sa komunistang bansa.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, nagpaabot ng pagkabahala ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Chongqing, Guangzhou, Beijing, Shanghai, Xiamen, Macau at Hong Kong kaugnay sa natatanggap na mga ulat hinggil sa iniaalok na trabaho ng mga tiwaling recruitment agency sa Pilipinas.

Ayon pa sa mga konsulado, nananatiling sarado para sa mga dayuhang manggagawa sa nasabing sektor ang China, kaya dapat maging maingat ang mga Pilipinong nagnanais na magtrabaho sa nasabing bansa.

Kabilang sa ginagawang pang-eengganyo ay ang pagtatrabaho bilang kasambahay o household service worker (HSW) sa kabila ng pagbabawal sa mga dayuhan na magtrabaho sa domestic service sector sa China.

Umapela rin si Del Rosario sa mga kababayan na magtungo muna sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang alamin kung may bukas na trabaho sa China.

Nito lamang nakalipas na buwan, mahigit sa 30 Pilipino ang tinulungan ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa China na makauwi sa bansa matapos maging biktima ng illegal recruitment.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply