BI tatamaan sa balasahan ng opisyal

KABILANG ang Bureau of Immigration (BI) sa mga ahensiya ng pamahalaan na tatamaan sa napipintong balasahan ng mga opisyal ng pamahalaang Aquino.

Ito ang lumutang na kaganapan matapos na magtungo sa tanggapan ni Justice Secretary Leila De Lima si Presidential Spokesman Edwin Lacierda noong Martes (Enero 3).

Bagama’t aminado si Lacierda na may magaganap na balasahan, tumanggi naman ito na pangalanan ang mga opisyal na maaring masama sa balasahan, umugong naman sa loob ng kawanihan ang balitang kasama si Immigration Commissioner Ricardo David, Jr. sa mga opisyal na tatamaan ng nasabing palitan.

Ang BI ay isa sa mga attached agency ng Department of Justice.

Ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormante sa loob at labas ng kawanihan, hindi na umano mapigilan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang “bulong at pamumuwersa” na maipuwesto sa pamahalaan ang kani-kanilang manok ng mga grupong nakatulong sa kanya sa nakaraang halalan.

Nakatakda umanong ilipat sa isang ambassadorial post sa Middle East si David kapalit ni Roy Cimatu.

Lantad sa loob ng kawanihan ang mga pangalan nina Immigration Associate Commissioner Siegfred Mison, dating Leyte Rep. Ed Veloso, dating Marinduque Rep. Edmund Reyes Jr. at dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Eduardo Oban bilang mga personalidad na papalit umano kay David.

Si Mison, anak ni dating Customs Commissioner Salvador Mison, ay minamanok umano ni De Lima, habang ang Liberal Party sa pamumuno ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Mar Roxas ang nagsusulong umano na mahirang si Veloso.

Samantalang nais naman umano ng grupo ni Executive Secretary Paquito Ochoa na si Reyes, anak ni dating Immigration Commissioner Edgardo Reyes, ang humalili kay David habang ang mga kapatid ng Pangulo naman umano ang nagsisilbing “backer” ni Oban.

Sinabi naman ng isang opisyal ng pamahalaan at malapit kay Pangulong Aquino na mas malaki umano ang pag-asa ni Veloso na maging punong opisyal ng kawanihan dahil sa laki ng iniambag nito upang maipanalo ang kandidatura ni Aquino hindi lamang sa lalawigan ng Leyte kundi sa buong Kabisayaan.

Gayunpaman, ayaw pangunahan ng nasabing opisyal na tumangging pangalanan dahil hindi naman ito awtorisadong magsalita sa media kung kailan ihahayag ng Malakanyang ang napipintong balasahan.

Nauna nang inihayag ni Pangulong Aquino na magkakaroon ng bagong mukha sa kanyang administrasyon sa pagpasok ng Bagong Taon. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply