‘Blue lanes’ sa EDSA ipatutupad sa Feb. 14

KINUMPIRMA na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na “Araw ng mga Puso,” Pebrero 14 na nila ipatutupad ang “blue lanes” sa 24-kilometrong haba ng Epifanio De Los Santos Avenue (EDSA) na magsisilbing linya para sa mga gumagamit ng motorsiklo.

Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Planning Tina Velasco, maglalagay din ang ahensiya ng traffic signages sa mga lansangan upang mabigyang impormasyon ang publiko kaugnay sa nasabing motorcycle lane.

Dagdag pa nito, ilalagay sa 4th lane ang motorcycle lane mula sa bangketa o sidewalk habang ang unang dalawang linya naman ay para sa city buses at ang mga provincial buses sa ikatlong lane.

kahalintulad din ng motorcycle lane, ipatutupad din ito sa 12-5 kilometrong haba ng Commonwealth Avenue sa Quezon City samantalang ang iba namang sasakyan ay maaari pa ring gamitin ang EDSA motorcycle lane.

“Kaya nga natin ito tinawag na designated at hindi dedicated motorcycle lane kasi ibig sabihin pwede rin itong gamitin ng ibang sasakyan,” paliwanag ni Velasco.

Nagsasagawa pa rin ng konsultasyon ang MMDA sa iba’t ibang motorcycle groups na apektado at pumapalag sa plano ng ahensiya.

Tiniyak naman ng motorcycle groups na susunod sila sa batas sa kabila na marami pa silang dapat idulog sa MMDA kaugnay sa usapin sa motorcycle lane.

Matatandaan na nitong nakaraang taon lamang ipinatupad ng MMDA ang motorcycle lane na layong mabawasan ang bilang ng aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng motorsiklo partikular sa Commonwealth Avenue na tinaguriang killer highway matapos ang implementasyon ng 60-kilometer per hour speed limit sa ilang malalaking kalsada sa Metro Manila.

Sa naitalang aksidente ng MMDA Road Safety Unit na kinasasangkutan ng motorsiklo sa Metro Manila at patuloy pang tumataas ang bilang na 12, 656 accidents at 104 naman ang namatay noong 2008; noong 2009 umabot na sa 13, 561 aksidente kung saan 105 ang nawalan ng buhay samantalang 16, 208 na may 177 fatalities noong 2010.

Binigyang diin ng ahensiya na ang kawalan ng wastong pagsasanay sa mga gumagamit ng motorsiklo ang dahilan ng malaking bilang ng nakamamatay na aksidente sa lansangan gayundin ang pagdami ng motorcycle units na dumaraan sa mga kalsada sa Metro Manila.

Samantala, batay naman sa datos ng Land Transportation Office (LTO), inihayag ng MMDA na mayroong 1.7 milyong motor na sasakyan ang nakarehistro sa Metro Manila noong 201l kung saan 608, 839 ang bilang ng mga motorsiklo at tricycle katumbas ng 34.4 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga nakarehistrong sasakyan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply